Pinaigting ng Department of Health (DOH) ang mental health orientation sa mga manggagawa sa Ilocos upang mapigilan ang dumaraming bilang ng mga insidente ng suicide o pagpapatiwakal sa rehiyon.

Nabatid na ang naturang mental health awareness at orientation seminar ay isinasagawa ng DOH-Ilocos sa mga empleyado ng iba't ibang pampubliko at pribadong ahensiya sa rehiyon upang makapagbigay sila ng tamang impormasyon at mapigilan ang pagdami ng suicide cases sa hanay ng mga manggagawa.

Batay sa DOH Health Emergency Alert Reporting System (HEARS) suicide statistics ng 2021, lumilitaw na mayroong kabuuang 103 na naitalang kaso ng pagpapatiwakal, kabilang dito ang dalawang tangkang pagpapatiwakal at 101 na completed suicides.

Ayon kay Regional Director Paula Paz Sydiongco, ang mental illness o mental health problem ay siyang pangunahing dahilan ng suicide sa rehiyon na nasa 33.32%.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

“Dahilan na rin ito sa naging sitwasyon natin sa kasalukuyang pandemya na nagkaroon tayo ng mga strict protocols tulad ng bawal lumabas ng bahay, mga community health protocols na dapat sundin at karamihan sa atin ay hindi makasunod at hindi makayanan ang matagal na pananatili sa bahay. Kasama na rin dito ang mga nawalan ng trabaho noong kasagsagan ng pandemya. Lahat ng ito ay nakapagdulot ng matinding suliranin sa ating pag-iisip,” aniya.

Idinagdag pa niya na ilan pa sa mga dahilan na nagtutulak sa ilang indibidwal upang kitilin ang sariling buhay ay problemang pinansiyal (12.12%), problema sa pamilya (11.11%), problema sa relasyon (7.7%) at problema sa paaralan (5.5%).Samantala, nasa 27.26% kaso naman ang hindi tukoy ang dahilan nang pagpapakamatay.

Iniulat rin naman ng DOH na kabilang sa mga lalawigan na may pinakamataas na incidence ng suicide ay ang Pangasinan (37%), Ilocos Sur (35%), Ilocos Norte (24%) at La Union (5%).

Ang mga adults na nagkakaedad naman ng 20-59 taong gulang ang bumubuo ng malaking bilang ng suicide cases sa rehiyon na nasa 68.66%, kasunod ang 10-18 years old (19.18%), at matatanda o 60 taong gulang pataas (14.14%).Hindi naman batid ang age group ng 2.2% pa.

Karamihan rin umano sa mga nagpapakamatay ay mga lalaki, na nasa 80.78% habang ang mga babae naman ay nasa 21.20%.

Ang pinakamadalas na gamiting pamamaraan sa pagpapakamatay ay hanging o pagbibigti na nasa 80.77%, pagbaril sa sarili o pag-inom ng kemikal na kapwa nasa 4.4%, pagsaksak sa sarili at paglaslas na parehong nasa 2.2% at drug overdose na nasa 1.1%. Hindi naman batid ang paraan nang pagpapatiwakal ng 10.10% pa.

“Addressing mental health issues in the workplace is important to continuously nurture the well-being of employees. Importante na malaman natin ang mga empleyado nating at risk for mental health conditions upang maturuan sila ng stress management at mapangalagaan ang kanilang kalusugang pangkaisipan,” ani Sydiongco.

Nabatid na ang naturang mental health orientation at awareness seminar ay nakapokus sa pagtukoy ng mga senyales at sintomas ng work-related stress, gayundin ng stress management techniques upang makatulong na maiwasan ang pagdebelop ng mental health problems.

Ang regional office ay nagkakaloob rin ng psychological first-aid para sa mga indibidwal na may mental health concerns sa pamamagitan ng “Tara, Usap Tayo” Hotline via Smart (0961) 8151416 at Globe (0945) 4914447.

Ang naturang serbisyo ay bukas mula Lunes hanggang Biyernes, mula 8:00 AM hanggang 4:00 PM.

Isinasagawa ito ng Non-Communicable Disease Cluster - Mental Health Unit sa pangunguna ni Magnolia I. Brabante.