Tiniyak ni Pasig City Mayor Vico Sotto nitong Martes na walang magaganap na palakasan sa aplikasyon ng mga estudyante na nais makapasok sa kanilang Special Program for the Employment of Students (SPES).

Nauna rito, nagpaskil ang Pasig City Public Information Office (PIO) sa kanilang Facebook account, ng link para sa pagbubukas ng SPES, na ang layunin ay makapagbigay ng temporary employment para sa mga ‘underprivileged’ ngunit ‘deserving’ na mga estudyante at mga out-of-school youth.

Nabatid na nasa 700 lamang ang available na slot para sa programa, na binuksan ng lokal na pamahalaan, gayung inaasahang aabot sa libu-libong estudyante ang mag-apply dito.

Nagkomento naman si Sotto sa naturang paskil ng Pasig City PIO at tiniyak na walang magiging palakasan sa pag-aaplay para sa programa.

Metro

Tatay na umano'y nambugbog, sugatan matapos gantihan at saksakin ng anak

Ipinaliwanag pa ng alkalde na limitado ang mga available slots dahil na rin sa kakulangan ng budget at limitadong office space para sa mga mapipiling aplikante.

Siniguro rin niya na ang lahat ng aplikante ay mabibigyan ng pantay-pantay na pagkakataon para makapasok.

“Tandaan, libo-libo ang aplikante sa SPES, pero 700 lang ang available slots (bukod sa budget, may limitasyon ang kayang i-accomodate ng mga opisina),” aniya. “Ang importante, walang palakasan, at patas ang sistema para sa mga sumusubok mag-apply.”

“Expected talaga na sa dami ng aplikante ay sabay-sabay ang pag-access sa link. Ibig sabihin, malamang sa hindi, ubos din kaagad ang slots sa loob ng ilang minuto lamang. Malamang din na magka-"heavy traffic" ang site (subukan i-refresh). Pero pantay-pantay naman ang chances ng bawat isa para makapasok,” aniya pa.

Umapela rin siya sa mga kabataan na hindi matatanggap sa programa na maging pasensiyoso at maunawain.

“Mga kabataan, matuto po tayong umunawa. Hindi porket hindi ka pinalad ay mang-aakusa ka na. Kung maaalala ninyo, dati, dinadaan sa barangay o mga konsehal ang ibang slots. Ngayon, kahit mayor, walang reserved slots. Tinatanggal natin ang palakasan at padrino system,” ani Sotto.

“Good luck po sa mga aplikante at congratulations po sa mga masuwerte na nakapasok! Sa mga hindi naman sinuwerte, pasensya at pag-unawa. Baka sa susunod po. Ginagawa natin lagi ang lahat ng makakaya para makatulong sa mas marami pang mga Pasigueño,” pagtatapos pa niya.

Habang isinusulat naman ang balitang ito ay hindi na tumatanggap ng aplikasyon ang SPES application portal ng Pasig City.