Sa kaniyang pagsalang sa Binibining Pilipinas na naging hudyat rin ng kaniyang bonggang transformation, niyayakap pa rin at walang balak si Herlene Nicole Budol na talikuran ang bansag sa kaniyang “Hipon Girl.”

“Never mawawala ‘yun,” ani Herlene sa kamakailang panayam sa kaniya ni Mama Lois a YouTube channel nito.

Para sa aspiring beauty queen, ang kilalang bansag ay tila naging bahagi na ng kaniyang pagkakakilanlan bilang isang public figure.

“Kasi hindi lang naman siya bansag eh, minahal ko yung name na ‘yun. Saka kasi kapag mahal mo, hindi mo ile-let go. Iki-keep mo siya,” may hugot na saad ni Herlene.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Dagdag ng komedyana, “Kung wala si ‘Hipon,’ kung walang ‘Hipon’ na nakilala, walang ako eh. Walang Nicole, walang nasa TV, walang umaarte, walang umiiyak, walang nagpapatawa, walang nasa Binibining Pilipinas, at walang pupunta ng Miss Grand International.”

Sa parehong panayam, ikinuwento ni Herlene na ang kaniyang pagsali noon sa Binibining Angono, kung saad kahit unang salang niya lang sa beauty pageant ay nakuha niya agad ang titulo, na naging umpisa rin ng tampulan sa kaniya ng mga tao ukol sa kaniyang pisikal na katangian.

Dahil dito, hindi na umano nagkaroon ng kumpiyansa si Herlene na sumabak sa anumang beauty pageants.

Matapos ang ilang taon, nagbabalik sa pageant scene si Herlene, sa tulong ng kaniyang manager na si Wilbert Tolentino.

Mas kumpiyansa ngayon ang komedyana na handang basagin ang nakasanayang imahe ng beauty queen.

Aniya, ang pagiging queenly ay hindi lang naman nakakahon sa pagiging mahinhin o matalas magsalita sa wikang Ingles.

Sa Hulyo 31 na ang coronation night ng Binibining Pilipinas 2022.

Target ni Herlene na masungkit ang titulong Miss Grand International (MGI) Philippines, isang Thailand-based beauty pageant.