Ang pagpapabuti at pag-upgrade ng digital infrastructure ng bansa ay isa sa mga prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.
Hindi maikakaila ang kahalagahan ng digital connectivity lalo na sa patuloy nating pagbangon mula sa epekto ng krisis na idinulot ng COVID-19.
Binigyang-diin ng pandemya ang kahalagahan ng pagsulong sa digital transformation, ngunit ipinikati rin nito ang pangangailangang agad na matugunan ang hindi sapat na imprastraktura ng information and communications technology (ICT) ng Pilipinas, na nagpalawak ng digital divide.
Ang nais ni Pangulong Marcos ay “Build More Better” kung saan ipagpapatuloy niya ang “Build, Build, Build” program ng nakaraang administrasyon at paiigtingin ang digital infrastructure program upang matiyak na ang mga Pilipino ay magkakaroon ng access sa abot-kaya at maaasahang internet.
Ayon sa United Nations, nasa 3.4 bilyong tao na naninirahan sa mga kanayunan sa buong mundo ang maaaring magkaroon ng mas mahusay na kalidad ng buhay sa pamamagitan ng pinabuting pag-access at koneksyon sa internet.
Sabi ni UN Secretary-General António Guterres, “The experience of the pandemic has shown that where high-quality Internet connectivity is coupled with flexible working arrangements, many jobs that were traditionally considered to be urban can be performed in rural areas too.”
Kaya ang paglutas sa digital divide ay akma sa layuning “Build Better More.” Sa aspetong ito, nangunguna ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na pinamumunuan ni Secretary Ivan Uy. Siya ay naging pinuno ng dating Commission on Information and Communications Technology (CICT). Siya ay bihasa sa technology law at may malawak na karanasan sa information technology project management—ito ay mahahalagang asset sa layunin ng pamahalaan na makamit ang digital inclusion.
Sa ilalim ng Connect, Harness, Innovate and Protect (CHIP) Implementation Plan ng DICT, inilalatag ang mga estratehiya na magbibigay-daan sa bansa na mapabilis ang national digital transformation.
Kabilang sa mga proyekto ng DICT ay ang pagbuo ng isa pang internet cable landing station (ICLS) para mapahusay ang international connectivity ng bansa. Sa ilalim ng Luzon Bypass Infrastructure (LBI) project, nilagdaan ang Landing Party Agreement (LPA) sa pagitan ng DICT, Bases Conversion and Development Authority (BCDA), at Edge Network Services Ltd. (Edge) para sa pagtatayo ng dalawang cable landing station (CLS)—sa Baler, Aurora at sa Poro Point sa La Union—na pinag-uugnay ng 240-kilometrong fiber corridor na may mga repeater station na may pagitan na 50 kilometro.
Kapag natapos na, ibibigay ng BCDA ang mga pasilidad sa DICT, na siyang magpapapanatili ng pasilidad sa susunod na 25 taon (at maari pang mapalawig ng 25 taon). Ang Edge ang unang partidong gagamit ng LBI, na ang kapalit ay ang pagkakaloob nito sa gobyerno ng Pilipinas ng dalawang terabytes per second (Tbps) ng cable capacity. Habang ang Edge ang unang gumamit ng imprastraktura, ang DICT ay naglalayon na palawakin ang umiiral na CLS na pag-aari ng gobyerno sa iba pang mga submarine cable provider mula sa pribadong sektor.
Ang ICLS na ito ay magsisilbing gateway para sa National Fiber Backbone (NFB), na magli-link sa mga middle-mile na network at magtatapos sa mga last-mile component at digital endpoint.
Ang DICT ay bubuo ng demand-responsive, neutral fiber backbone para sa bansa gamit ang electrical transmission system ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP). Maliban dito, lilikha din ang Departamento ng mga regional rings of fiber upang magbigay ng koneksyon sa mga lalawigan, lungsod, at munisipalidad.
Samantala, ikokonekta ng Provincial Broadband ang mga national government agencies (NGAs), local government units (LGUs), Free Wi-Fi sites, at Government Data Centers sa NFB para itatag ang government domestic network. Nagbibigay-daan ito sa mga LGU at NGA na maging bahagi ng broadband infrastructure network. Ito ay magkokonekta sa mga lalawigan at sa kanilang mga kalapit na lungsod at munisipalidad sa NFB sa pamamagitan ng wired o wireless na koneksyon. Magbibigay-daan ito sa mga malalayong komunidad sa loob ng mga lalawigan na ma-access ang mga digital opportunities sa pamamagitan ng pinahusay na connectivity services.
Ang mga proyektong ito ay mahalaga sa pagbuo ng mga digital infrastructure na hindi lamang mag-uugnay sa mga komunidad kabilang ang mga nasa malalayong lugar, ngunit magbibigay din sa mga mamamayan ng mas mahusay na kalidad ng buhay sa pamamagitan ng paghahatid ng mabilis at mahusay na serbisyo ng pamahalaan sa bawat Pilipino.