Kinumpirma ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Lunes, na isang street sweeper at isang magsasaka ang nagtungo na sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City upang kubrahin ang kani-kanilang napanalunang mahigit sa₱100milyongjackpot sa lotto.
Ayon sa PCSO, isang ginang na taga-Malabon at may apat na anak, ang nagtungo sa kanilang head office sa Shaw Boulevard noong Hunyo 21, upang kubrahin ang napanalunan₱103,269,281.60 sa Mega Lotto 6/45 na binola noong Hunyo 17 at may winning combination na 10-12-02-27-03-18.
Sinabi ng PCSO, ang nasabing ginang ay umabot na sa 25-taon sa pagiging street sweeperupang maitaguyod ang kanyang mga anak, dahil ang kanyang asawa ay walang permanenteng trabaho.
Ikinokonsidera ng nabanggit na mananaya na isang malaking pagpapala mula sa Panginoon ang kanyang pagkapanalo.
Aniya, nakuha niya ang winning combination mula sa kanyang kapatid na lalaki na nakikitira sa kanila.
Hindi aniya ito ang unang pagkakataong tumaya siya sa lotto, at inaming gumagastos siya ng mula₱300 hanggang₱400 kada araw sa pagtaya sa lotto games ng PCSO, sapagbabakasakalingpalaring manalo.
“Sa hirap ng buhay namin, nangangarap po akong manalo kaya ganito po ako kalaki tumaya. Umaasa po ako sa tuwing tataya ako mananalo ako,” ayon pa sa lotto winner.
Ngayong nanalo na umano siya sa lotto, plano niyang hatiin ang napanalunan sa kanyang apat na anak upang masiguro ang kinabukasan ng mga ito, balatuhan ang kanyang kapatid na lalaki na siyang nagbigay ng winning combination sa kanya, bumili ng sariling bahay at magbigay ng donasyon sa simbahan para sa kawanggawa.
Nagtungo na rin sa PCSO main office ang isang 29-anyos na magsasaka mula sa Quezon upang kubrahin ang napanalunang₱100,064,568.00 sa Ultra Lotto 6/58.
Matagumpay na nahulaan nito ang six-digit winning combination na20-22-09-54-06-19 para sa Ultra Lotto 6/58 na binola noong Mayo 24, 2022.
Anang lucky bettor, may 10-taon na siyang tumataya sa lotto at pinalad na manalo ng jackpot sa pamamagitan ng Lucky Pick system.