Nanumpa na rin sa tungkulin ang mga bagong halal na opisyal ng Pasig City, sa pangunguna ni Mayor Vico Sotto, Vice Mayor Robert “Dodot” Jaworski Jr., at Rep. Roman Romulo, nitong Huwebes, Hunyo 30.
Ang naturang oath taking ceremony ay isinagawa sa Ynares Sports Center sa Barangay Ugong, Pasig City.
Si Judge Danilo Cruz, executive judge ng Pasig City Regional Trial Court (RTC), ang nanguna sa naturang mahalagang seremonya.
Sa kanyang inaugural address, pinasalamatan ni Sotto ang kanyang mga constituents, mga tagasuporta, pamilya at mga kaibigan na tumulong sa kanya upang makamit ang layuning magkaroon ng pagbabago at reporma sa lungsod.
Ayon kay Sotto, “Hindi tayo nagpatinag. Maaaring ako ang naging mukha ng pagbabago, ako ngayon ang namumuno bilang alkalde ninyo, pero ang totoo ay hindi ko po ito kinaya kung ako lang po mag-isa.”
Aminado si Sotto na hindi madali ang laban patungo sa pagbabago ngunit magagawa aniya nila ito basta’t magkakasama.
Tiniyak rin niyang tuluy-tuloy na itataguyod ang mga prinsipyo ng mabuting pamamahala, pagiging bukas, at pagkakaroon ng transparent na pamahalaan.
“Paigtingin natin ang pakikilahok ng taumbayan. Gawin nating hindi normal at katanggap-tanggap ang korapsyon at katiwalian sa ating gobyerno. Kung ating gagawin ito, sigurado tayo na ang maipapasa, maipapamana natin sa susunod na henerasyon ng mga Pasigueño ay isang kinabukasan na mas maliwanag pa,” aniya pa.
Bukod naman kina Sotto, Jaworski at Romulo, nanumpa na rin sa tungkulin ang mga city councilors na sina Kiko Rustia, Simon Tantoco, Pao Santiago, Volta Delos Santos, Eric Gonzales, at Reggie Balderrama para sa District 1.
Para sa District 2 naman, nanumpa na rin sa tungkulin sina Angelu De Leon, Corie Raymundo, Syvel Asilo, Buboy Agustin, Quin Cruz, at Maro Martires.