Nanawagan si Senadora Grace Poe sa Philippine Statistics Authority (PSA) na bilisan ang proseso ng pamamahagi ng mga National ID ngunit tiyaking tama ang mga datos na nakapaloob dito.
Marami kasi sa mga nagproseso nito ang nagrereklamong hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na National ID, batay sa ipinangakong petsa ng pagpapadala nito, sa loob ng anim na buwan.
"Nananawagan tayo sa Philippine Statistics Authority na bilisan na ang pamamahagi ng National ID at tiyakin na wasto ang mga datos nito. Kung may ID na, mas mapapadali sana ang mga transaksyon ng ating mga kababayan sa gobyerno at pribadong sektor," ani Poe.
Sa kaniyang art card ukol sa mabagal na paglabas ng National IDs, mababasa ang ganito: "Ang paghihintay ng mga Pilipino ng anim na buwan hanggang isang taon para makuha ang National ID ay hindi katanggap-tanggap."
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang PSA tungkol dito.