Napanood daw ni showbiz columnist Manay Lolit Solis ang isang episode ng "Maalaala Mo Kaya" o MMK, ang longest-running drama anthology ng Kapamilya Network kung saan ang aktor na si JM De Guzman ang bida.

Sa trulalu lang daw ay mahusay at may ibubuga ang aktor, pero may pinagtatakhan ang kolumnista.

"Napanood ko ang isang episode kung saan si JM de Guzman ang bida, Salve. Ang galing palang umarte ni JM de Guzman at ang mga mata niya very expressive. Mahusay din siya bumato ng dialogue at malakas ang screen presence niya," ani Lolit sa kaniyang Instagram post nitong Hunyo 18.

"Nagtataka ako kung bakit hindi siya kasing sikat ng ibang drama actor gayong nasa kaniya naman halos lahat ng quality ng isang puwede maging big star."

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Sana raw, sa susunod na magpatihulog ulit ng suwerte para sa kasikatan ang langit, eh masalo na ito ni JM. Dasurv na dasurv raw kasi!

"Talagang iyon suwerte kung minsan namimili ng pupuntahan. Siguro nga hindi nadaanan ng malaking suwerte si JM de Guzman pero tiyak ako na tatagal siya sa showbiz dahil taglay niya lahat ng quality ng isang mahusay na actor."

"Pagdaan uli ng suwerte, salubungin mo agad JM at huwag mong bitawan, para maging shining big star ka na. Puwedeng puwede ka, promise," aniya pa.

Ang huling teleseryeng ginawa ni JM na talaga namang hinangaan ng mga utaw ay ang "Init sa Magdamag" bilang kontrabida kay Gerald Anderson sa atensiyon at pagmamahal kay Yam Concepcion.