Nagbigay ng kaniyang reaksiyon ang aktres na si Agot Isidro tungkol sa isiniwalat ni dating Senate President Juan Ponce Enrile, na may mga grupo raw mula sa Amerika at dito sa Pilipinas, na nakaamba umanong manggulo laban kay President-elect Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr. kapag tuluyan na itong naupo bilang pangulo ng bansa.
Ayon sa isang panayam ng isang news outlet, sa palagay ng dating Senate President ay "credible information" ito.
"I just picked up what I consider to be credible information that there are groups in America and in the Philippines planning and preparing to cause serious embarrassment and trouble for our newly elected president," saad ni Enrile.
Ibinahagi naman ng aktres ang artikulo ukol sa balita, sa kaniyang tweet nitong Hunyo 15.
"'Pa-resbak kayo sa 31M," saad ni Agot na ang tinutukoy ay ang mahigit 31 milyong Pilipino na bumoto kay BBM sa nagdaang halalan.
Samantala, hindi pa kumpirmado kung totoo ba ang mga nabanggit ni Enrile. Sa inagurasyon naman ni PBBM ay ipatutupad ang gun ban o pagbabawal sa paggamit ng baril, maliban na lamang sa mga pulis at sundalo, upang matiyak ang seguridad ng lahat.