Balik pagtuturo ngayong Hulyo si dating Senador Antonio 'Sonny' Trillanes IV matapos matalo sa senatorial race sa nagdaang eleksyon 2022.
"Babalik po ako sa pagtuturo, ngayong July. Kaya ganun naman po, since 2019 po, I've been in the private sector, so basically wala pong nangyari, itutuloy lang po natin ang ating ginagawa," ani Trillanes sa kaniyang panayam sa TeleRadyo ng ABS-CBN noong Huwebes, Hunyo 2.
Matatandaang nagsimula siyang pumasok sa pagtuturo noong 2019 pagkatapos ng kaniyang termino sa pagka-senador.
Nagtuturo si Trillanes sa National College of Public Administration and Governance (NCPAG) sa University of the Philippines (UP) at Ateneo de Manila University. Itinuturo niya ang tungkol sa public policy, bureaucracy, at public governance.
Sinabi rin ng dating senador na nakapagpahinga siya matapos ang tatlong buwan ng kampanya kaya naman handa na ulit siyang sumabak sa trabaho.
"Nakapagpahinga tayo after ng campaign kasi talaga namang nakakapagod yung three months na campaigning. So nakapagpahinga na tayo and we're back to work," aniya.
Bukod dito, sa kaniyang tweet noong Mayo 13, sinabi ni Trillanes na kahit natalo ay dapat patuloy pa ring maglilingkod sa bansa at sa mga tao.
“It was such an honor to be in the company of patriots. We shall continue to serve our country and people,” aniya.Basahin:https://balita.net.ph/2022/05/13/sonny-trillanes-we-shall-continue-to-serve-our-country-and-people/