Habang nagpapatuloy ang libreng sakay sa MRT-3, kakaibang trip ang ginawa ng isang magto-tropa matapos tila maglunsad ng sariling tour at mag-selfie sa bawat istasyon ng tren.
Ikinaaliw ngayon ng netizens ang Facebook post ng isang Genard De Guzman kasama ang dalawang kaibigan na si Prinze Villadiego Magallanes at Joshua Rayo dahil sa kanilang tinawag na “MRT-3 Stations Challenge.”
Ang rule ng challenge, simple lang: “Magpicture lang sa bawat istasyon ng MRT-3 upang masayang ang oras niyo!”
Sa serye ng mga larawang ibinahagi ni Genard, makikitang nakumpletong mabisita at makapagselfie ang magtotropa sa 13 istasyon ng MRT-3.
Matatandaang extended hanggang Hunyo 30 ang programang libreng sakay ng Department of Transportation (DOTr) MRT-3. Ito’y matapos pumalo na sa 15,730, 872 mga commuter ang napagsilbihan ng programa simula nang ilunsad ito noong Abril.
Ikinaaliw naman ng netizens ang kakaibang trip ng magkakaibigan dahilan para mag-viral ang post. Paalala naman ni Genard, hindi rush hour nang gawin nila ng kasama ng mga kaibigan ang naturang challenge.
“Hindi po namin rush hour ginawa and North to South po kami para ‘di marami tao Good vibes lang tayo mga lods ”