Muling ipinagpaliban ng Commission on Elections (Comelec) na tumatayong National Board of Canvassers (NBOC), ang proklamasyon ng mga winning party-list groups sa Mayo 26.

Ito ay bunsod ng gaganaping 'special elections' sa Lanao del Sur bukas, Mayo 24, Martes.

Matatandaang nakatakda sanang iproklama ang 63 na kinatawan ng mga party-list groups noong Mayo 19 makaraan ang hiwalay na proklamasyon ng mga nagwaging Senador ngunit ipinagpaliban ito ng Mayo 25 hanggang sa muling itakda na sa Mayo 26.

Ipinaliwanag ni Comelec Commissioner George Garcia nitong Lunes na inaasahan naman nila na agad na makakapag-transmit ng Certificate of Canvass (COC) ang mga election officer ng Lanao del Sur matapos ang special election ng Mayo 24.

Gayunman, maka-canvass lamang aniya nila ang mga COC sa Mayo 25.

Aniya, kailangan pang maghanda ng Comelec para sa proklamasyon.

Magpapadala pa rin aniya sila ng mga imbitasyon sa mga ipuproklamang grupo, kaya maisasagawa ang proklamasyon sa Mayo 26 pa sa Philippine International Convention Center (PICC).

Una nang sinabi ng Comelec na kailangan nilang hintayin ang resulta ng halalan sa Tubaran, Lanao del Sur dahil makakaapekto pa ang mga botong makukuha doon, sa ranking ng mga partylist groups.  

Anang Comelec, nasa6,921 ang mga rehistradong botante sa Tubaran na inaasahang lalahok sa special elections habang ang mga tauhan naman ng Philippine National Police (PNP) ang mangangasiwa sa halalan.