KAMPO HEN. PACIANO RIZAL, Sta. Cruz, Laguna — Ang matagumpay na one-day police anti-drug operation ng Laguna Police Provincial Office ay nagresulta sa pagkakaaresto sa 36 drug suspects, kabilang ang isang high value individual, at pagkakakumpiska ng ‘shabu’ na nagkakahalaga ng P135,151, ayon sa inilabas ng ulat, Biyernes.
Sinabi ni LPPO provincial director Colonel Cecilio R. Ison Jr. na inaresto ng pulisya si Marlon de Guzman, 49, na itinuturing nilang high-value individual. Siya ay inaresto ng Calamba City Police sa Sitio Lote sa Barangay Lecheria.
Ang pag-aresto kay De Guzman ay ginawa sa isa sa 33 police operations na isinagawa sa iba't ibang bayan ng Laguna sa isang araw, ani Ison.
Nakumpiska ng mga operatiba ang kabuuang 19.21 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P135,151 base sa Dangerous Drug Board value.
Ang maghapong anti-illegal drugs operations ay isinagawa ng Binan City, Pila, Los Banos City, Santa Rosa City, Cabuyao City, Pangil, Paete, San Pedro City, Cavinti, San Pablo City, Calamba City, Calauan, Alaminos, Bay, at Nagcarlan Police Stations.
Nasa kustodiya na ngayon ng mga himpilan ng pulisya ang mga naarestong suspek at sasampahan ng kasong paglabag sa R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002), habang si De Guzman ay sasampahan din ng kasong paglabag sa R.A. 10591 (Illegal Possession of Firearms) kaugnay ng Omnibus Election Code.
Danny Estacio