Pagkakaisa at pagkakaroon ng positibong disposisyon ang dalawang mensahe na binigyang diin ni presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong kampanya. Tinanggap at sinuportahan ito ng mga Pilipino, patunay ang landslide na panalo ni BBM bilang ika-17 Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Maliban sa kaniyang mga campaign rally, ang mensaheng ito ni BBM ay ibinahagi sa kanyang mga patalastas sa telebisyon at social media. Ito yung mga klase ng commercial na hindi ka magsasawang panoorin muli dahil sa mensahe ng inspirasyon at pag-asa na dala nito.
Sa likod ng mga TV at internet ads na ito ay si Paul Soriano, multi-awarded na direktor na nakilala sa kanyang mga pelikula, kabilang ang “Thelma,” na nakakuha ng Best Director at Best Screenplay awards sa Film Academy of the Philippines (FAP) Awards noong 2012; at “Siargao,” na nanalo ng Best Director award sa Metro Manila Film Festival (MMFF) noong 2017.
Ang production company ni Direk Paul na TEN17P ang gumawa ng ilan sa mga ground breaking at critically acclaimed na mga pelikula, tulad ng “Transit,” “Hele sa Hiwagang Hapis,” “Dukot,” “Dagitab,” at “Mariquina.” Kilala rin siya sa paggawa ng mga TV commercials, music videos, at concerts.
Maswerte ang sinumang kandidato na magkaroon ng isang Direk Paul sa kanilang creative team, kaya naman laking pasasalamat ni BBM sa kaniyang itinuturing na “creative genius.” Epektibo ang kanilang team-up dahil sa kanilang tiwala at respeto sa isa’t isa.
Malaking bagay rin na sila ay pamilya. Pinsan ng ama ni Direk Paul ang asawa ni BBM na si Atty. Liza Araneta-Marcos. At ninong at ninang sila BBM at Atty. Liza sa kasal nila Direk Paul at Toni Gonzaga.
Ngunit higit pa sa personal na relasyon ang kailangan para makagawa ng kapanipaniwala at nakakapagpasigla na patalastas, lalo na para sa isang political campaign.
Makikita naman sa kanilang produkto ang pagpapahahalaga ni Direk Paul at ng kaniyang creative team sa kanilang trabaho. Nagawa nilang ipakita ang angking kagandahan ng Pilipinas habang ipinaaabot ang mensahe ng kanilang kandidato. Tanging pagmamahal at pagmamalaki sa ating bansa ang mararamdaman kapag pinapanood ang mga ads ni BBM, kaya naman nanabik ang mga Pilipino na ihalal ang pinunong ito upang makapagsimula na tayong magtulungan tungo sa mas maunlad na bansa. Sa napakaraming boto na natanggap ni BBM, walang duda na epektibo ang mga advertisement na kanilang inilabas.
Pag-amin naman ni Direk Paul, ang kanilang drive at passion na magawa ang ganoon kagandang mga ads ay dahil na rin sa mismong kandidato. Ang positibong disposisyon ni BBM—laging nakikita ang kabutihan sa lahat ng bagay, ang kanyang paniniwala sa kagandahan at potensyal ng ating bansa, ang kanyang pagmamalaki sa galing at kasipagan ng mga Pilipino—ay madaling nakahahawa sa mga tao sa kanyang paligid, kasama na si Direk Paul.
Ramdam sa bawat patalastas ni BBM hindi lamang kung gaano kamahal ni Direk Paul ang kanyang trabaho, kundi pati na rin kung gaano siya naniniwala sa kakayahan ng ating susunod na presidente.