Muling lumahok si Ultimate Multimedia Star Toni Gonzaga-Soriano sa 'Miting De Avance' ng UniTeam na ginanap sa Tagum, Davao del Norte noong Mayo 5.
Inawit ni Toni ang OPM song na 'Umagang Kay Ganda' na isa sa mga ginamit na signature song ng tambalang Bongbong Marcos, Jr. at Sara Duterte.
Nagbigay naman siya ng mensahe sa mga tagasuporta ng BBM-Sara.
“Pinaghandaan ko talaga ang Tagum, Davao De Norte dahil baluwarte ito ng ating susunod na bise presidente Inday ‘Sara’ Duterte," ani Toni.
Inihambing pa ni Toni sa slit ng kaniyang pulang evening gown ang mga resulta ng survey na pabor sa BBM-Sara tandem.
"Pasensya na po kayo ang taas ng slit. Parang si BBM-Sara. Ang taas sa lahat ng survey!"
Hinikayat ni Toni ang taumbayan na bumoto sa darating na halalan.
"Ang tunay na laban sa halalan na ito ay hindi nasusukat sa mga paninira ninyo o sa ibang kandidato sa entablado. Ang tunay na laban ay mangyayari sa araw ng halalan kung saan hindi na boses ko, boses ng kahit sino, o kahit na sinong kandidato ang maririnig ninyo. Dahil mamamayagpag na ang boses ng sambayanang Pilipino."
"Kaya bumoto po tayo pagdating ng Mayo nuwebe," giit pa ng actress-TV host.
“Kaya sabay-sabay po nating iboto ang susunod na bise-presidente ng Pilipinas Inday Sara Duterte at ang susunod na presidente ng Republika ng Pilipinas Bongbong Marcos!”
Hayagang ipinakita ni Toni at maging ng kaniyang mister na si Direk Paul Soriano ang pagsuporta nila sa UniTeam bago pa man magsimula ang mga kampanya.