Nilinaw ni Secretary to the Manila Mayor Bernie Ang na walang P15-bilyong utang ang Maynila at hindi dapat na gamitin ang naturang isyu upang linlangin ang mga mamamayan.

Ang deklarasyon ay ginawa ni Ang nitong Sabado, at pinagtawanan lamang ang mga ipinagkakalat na isyu ng mga kalaban sa pulitika na may utang na P15 bilyon ang lungsod ng Maynila at saan daw ito napunta.

“'Yan na nga ba ang sinasabi ko. Ang mga taong walang utak, putak lang nang putak kahit di naiintindihan ang kanilang pinagsasasabi. Makapanira lang,” ayon pa kay Ang.

Ipinaliwanag ni Ang na dahil sa dami ng magandang proyektong ipinatupad ng administrasyong pinamumunuan nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Manila Vice Mayor Honey Lacuna, nag-aalok ang Development Bank of the Philippines (DBP) at ang Land Bank of the Philippines ng loan o pinauutang ang lungsod ng Maynila kung kakailanganin nito.

Sinabi ni Ang na nasa P15 bilyon ang inaprubahang loan o maaaring utangin mula sa DBP.

Ang P5 bilyon aniya dito ay 20 years to pay na may grace period na dalawang taon habang ang diperensiyang P10 bilyon naman ay 15 years to pay na may grace period din na dalawang taon.

“Inuulit ko, maaaring utangin ang P15 bilyon pero hindi pa ito inuutang,” giit pa ni Ang.

Sinabi rin ni Ang na nasa P4.5 bilyon lamang ang halagang na-release hanggang noong Abril 30, 2022.

Ang naturang halaga ay nai-release ng DBP noong Abril at inilaan umano ng pamahalaang-lokal para sa tatlong housing projects, kabilang dito ang Tondominium 1, Tondominium2 at Binondominium, pati na din para sa paggawa ng Bagong Ospital ng Maynila at Bagong Manila Zoo.

“Sa kabilang banda, bagamat P10-bilyon naman ang approved loan ng pamahalaang-lungsod mula sa LBP, nasa P2.8 bilyon lamang ang hihiramin pa lamang ng lungsod sa LBP.Inuulit ko, hihiramin pa lamang,” paliwanag ni Ang.

Mula sa nasabing halaga, ang P1.8 bilyon ay nakalaan sa mga hospital equipment at ang P1 bilyon ay para naman sa “Land for the Landless Program.”

Paglilinaw pa ni Ang, “Hindi sa mga loan na ‘yan kinuha ang budget para sa mga ayuda at sa pagpapatayo ng Manila COVID-19 Field Hospital na pinakikinabangan ng mga  pasyenteng may COVID ke taga-Maynila man sila o hindi.”

Samantala, pinagtawanan din ni Ang ang umano ay pagkuwestiyon ni Alex Lopez sa pagsasagawa ng canvassing ng mga boto sa session hall ng Maynila sa oras na matapos na ang eleksyon sa Mayo 9.

“Teka muna. Akala ko ba ay abogado daw siya, sabi niya? Bakit hindi niya alam na nakasaad sa batas na ang canvassing ay talaga namang sa session hall ginagawa? Talaga naman, oo,” ani Ang.