Mababayaran ng ₱1,000,000 ang bawat pamilyang naulila ng mga health workers na binabawian ng buhay sa coronavirus disease 2019 (Covid-19).

Ito ay nang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na Public Health Emergency Benefits ng Allowances for Healthcare Workers Act o Republic Act 11712 nitong Abril 27.

Gayunman, isinapubliko ang kopya ng nasabing batas nito lamang Biyernes, Abril 29.

Dahil dito, tuluy-tuloy na ang benepisyo ng mga healthcare workers sa panahon ng pandemya ng Covid-19 at iba pang public health emergencies na maaari pang maganap.

Sa ilalim ng nasabing batas, ang lahat ng health care and non-health care workers ay makatatanggap ng health emergency allowance sa bawat buwan ng kanilang serbisyo sa panahon ng pandemya, katulad ng Covid-19, depende sa risk exposure categorization: P3,000 para sa mga nagtatrabaho sa low-risk areas; P6,000 doon sa “medium risk areas; at P9,000 kung naka-assign sa “high-risk areas.

Bukod dito, ang mga nahawaan ng Covid-19 habang nasa trabaho ay mabibigyan ng kabayaran: ₱1 milyon para sa mga naulilang pamilya ng mga namatay na health workers; +₱100,000 para sa mga severe o critical case; at ₱15,000 para sa mild to moderate case.

Ang lahat ng healthcare and non-healthcare workers ay mabibigyan ng full PhilHealth coverage. Ang mga nasabing benepisyo ay magkakaroon ng retroactive application simula Hulyo 1, 2021 at mananatili habang may state of national public health emergency na idineklara ng Pangulo.

Dahil sa nasabing hakbang ng Pangulo, pinasalamatan naman ito ni House Committee on Health chairwoman,Quezon 4th District Rep. Angelina Tan, na isa rin sa may akda ng nasabing mungkahing batas na pinirmahan ng Pangulo.