Pormal nang itatalaga si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula bilang Cardinal-Priest ng Parrocchia San Vigilio sa Roma.

Sa pabatid ng Parokya nitong Huwebes, nabatid na gaganapin ang canonical possession ni Cardinal Advincula sa Abril 30, 2022, ganap na alas-7:00 ng gabi oras sa Roma.

Kaugnay nito, inaanyayahan ang bawat isa na makibahagi sa makasaysayang pagdiriwang sa pamamagitan ng mga panalangin sa ikatatagumpay ng gawain.

“We will receive with joy His Eminence Jose Fuerte Cardinal Advincula for the solemn canonical possession of the TITLE OF SAN VIGILIO. We are all invited to participate in the Eucharistic Celebration for this very important moment in the history of the parish and our community,” bahagi pa ng pabatid.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Matatandaang Nobyembre 28, 2020 nang mapabilang si Cardinal Advincula sa Consistory kasama ang 12 iba pang obispo ng simbahang katolika.

Kasabay nito ang pagtatatag ng San Vigilio bilang Cardinal Titular Church na itinalaga kay Cardinal Advincula.

Bilang Cardinal-priest, ipinagkatiwala ng Santo Papa sa kanilang pangangalaga ang mga simbahan sa Roma na tinatawag na 'titles' na ayon sa tradisyon ay nakalakip sa isang parokya.

Nauna nang nakipagpulong si Cardinal Advincula kay Pope Francis noong Abril 21 at kay Cardinal Giovanni Battista Re ang kasalukuyang Dean ng College of Cardinals.

Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na bumisita ang arsobispo ng Maynila sa Vatican bilang Cardinal makaraang maantala dahil sa pag-iral ng mahigpit na panuntunan bunsod ng pandemya.