“Pangit na tingnan.”

Isa ito sa mga dahilan kung bakit tinanggihan ni Pangulong Duterte ang imbitasyon na magtungo sa United States of America (USA) sa susunod na buwan, at sinabing maaari siyang gumawa ng mga aksyon doon na maaaring hindi katanggap-tanggap sa kanyang kahalili, na kalauna'y malalaman ng publiko.

Ito ang pahayag ni Duterte matapos niyang ihayag na inimbitahan siyang dumalo sa isang espesyal na summit ng US at Association of Southeast Asian Nations sa Washington DC mula Mayo 12 hanggang 13.

Sa kanyang pre-recorded "Talk to the People" noong Miyerkules ng umaga, Abril 27, sinabi ng Pangulo na tinanggihan niya ang imbitasyon dahil, sa oras na iyon, ang kanyang kahalili ay kilala na. Ang halalan ay sa Mayo 9.

National

VP Sara Duterte, itinangging spoiled brat siya

“Wala pa namang proclamation, wala pa lahat. But, alam na ng taumbayan, Pilipinas, na may Presidente na nahalal, hindi pa lang na-proclaim pa,” aniya.

“So sinabi ko sa kanila, pangit na tingnan kung magpunta ako doon, alam ko na may bagong presidente na,” dagdag niya.

Sinabi ni Duterte na kapag nagpasya siyang dumalo sa Summit, maaaring gumawa siya ng mga aksyon na hindi magugustuhan ng kanyang kahalili.

“If it is a working conference, there might be some agreements or commitments that will be made there. Ang mahirap kasi, kung ako ang nandoon,” anang Pangulo.

Ang publiko ang maghahalal ng susunod na pangulo sa Mayo 9, 2022. Patuloy na naninindigan si Duterte na mananatili siyang neutral at mag-eendorso lamang ng kandidato kung may mabigat na dahilan.

Iba pang dahilan

Ngunit hindi lamang ang halalan ang dahilan kung bakit hindi pumunta si Duterte sa US. Natatakot siyang maligaw at mapunta sa mga hindi pamilyar na lugar kung saan aniya ay maaaring siyang "patayin."

“Una, mawala; pangalawa, makapasok ako sa lugar na baka makatay lang ako,” aniya.

Dagdag niya, “There are areas there which you cannot just easily go around galivanting just to see the place. There are so many places na delikado rin, kagaya rin sa atin. Kaya takot din ako pumunta doon .”

Sinabi ng Pangulo na ang isa pang dahilan ay ang kanyang prinsipyo ngunit hindi na ito nagdagdag ng detalye.

“As a matter of principle– noon pa sinasabi ko na ayaw ko. So, ayaw ko is ayaw ko. The reason is akin na lang yun.”

Argyll Cyrus Geducos