Inanunsyo ni Miss Universe 2018 Catriona Gray ang tandem nina Vice President Leni Robredo at Sen. Kiko Pangilinan bilang manok niya sa darating na halalan sa Mayo.
Bago nito, naglatag ang Pinay titleholder ng aniya'y limang katangian ng isang epektibong lider kabilang ang kwalipikasyon, kasaysayan, serbisyo, plataporma at mga pinaninindigang prinsipyo nito.
Pinasalamatan din ni Catriona ang bawat Pilipinong nakapagparehistro at nakatakdang bomoto sa darating na halalan.
Hinikayat niya rin ang mga undecided na gamitin ang natitirang panahon para magsaliksik, matuto, makinig at higit sa lahat ay magpasya nang hindi naii-impluwesyahan ninuman.
“There is power in a single vote and never allow anyone to make you believe otherwise,” aniya.
Nanawagan rin ang beauty queen na magbukas pa ng usapin ukol sa eleksyon habang pinananatili ang respeto sa kapwa.
Dito na sunod hinayag ni Catriona si Pangilinan bilang manok niya sa pagka-bise president.
Pinunto niya ang 79 batas na inakdaan ni Pangilinan na nakasentro sa programang agrikultura ng bansa, edukasyon at pambansang kapanan.
Ibinalandra rin ni Catriona ang tanging “pag-asa” aniya na nakikita niya sa darating na mga taon para sa Pilipinas—si Robredo.
Nilatag din ni Catriona ang track records ni Robredo sa tatlong sangay ng gobyerno at ipinagmalaki ang naging hakbang ng opisina nito noong unang bugso ng pandemya sa bansa noong 2020.
Binigyang-diin ng Miss Universe titleholder ang programang Angat Buhay ni Robredo na naiulat na nakatulong sa nasa 600,000 mahirap na pamilya sa iba’t ibang parte ng bansa.
Mahalaga rin umano para kay Catriona ang tatlong magkakasunod na taong highest audit rating na natanggap ng tanggapan ni Robredo sa Commission on Audit (COA) para sa transparency ng kandidato.
Bagaman nagpahayag ng kanyang manok sa botohan. Kinikilala at ginagalang ni Catriona ang maaaring hindi pagsang-ayon ng ilang Pilipino sa kanya.
Si Catriona ang ikaapat na Pinay Miss Universe titleholder at kilala sa kanyang adbokasiya para sa akses ng kalidad na edukasyon para sa mga batang Pilipino.