Nagsagawa ng joint press conference ang mga presidential candidate na sina Senador Panfilo Lacson, Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, at dating Defense Secretary Norberto Gonzales ngayong Easter Sunday, Abril 17, sa Peninsula, Manila Hotel.

Bago magsimula ang nasabing press conference, binasa ni Mayor Isko ang kanilang joint statement.

“Higit pa man sa resulta ng isang halalan, mas pinaiiral natin ang kalayaan ng ating taumbayan na pumili ng kanilang magiging lider," ani Mayor Isko habang binabasa ang statement.

"Nais naming makadaupang-palad ang ating mga kababayan, alinsunod sa kagustuhan nilang mas lalo pa kaming makilala bilang mga kandidato. Sa halip na kami ay malayo sa kanila sa pamamagitan ng prosesong pang electoral, magkaroon ng pagkakaisa tungo sa pagnanais na kung ano ang kakahinatnan ng ating bansa.

"Kasama kami sa kagustuhan ng ating mga kababayan na magkaroon isang diwa ng pagsasama-sama na mananaig sa umiiral na bangayan at personal na misyon upang yakapin ang pagkakaisa para sa ikabubuti ng lahat na hindi lamang mga kataga o bukambibig ang politika.

"Kami ngayon ay nangangako, una, maninilbihan sa pamahalaan na kung sinuman ang mapipili sa amin ng ating taumbayan na magiging susunod na pangulo at kami ay magsasanib-pwersa ang anumang pagtatangka na baluktutin ang totoong pagpapasya ng taumbayan sa pamamagitan ng paggalaw ng hindi kanais-nais o 'di kaya paglilimita sa malayang pagpili ng ating mga kababayan."

Binigyang-diin ni Domagoso na hinding-hindi sila magbibitiw sa kanilang kandidatura.

“At higit sa lahat, hinding-hindi kami magbibitiw sa kampanya. Ang Bawat isa sa amin ay magpapatuloy sa aming sariling kandidatura upang maging karapat-dapat na piliin ng sambayanang Pilipino," aniya.

Nilagdaan ito nina Lacson, Pacquiao, Domagoso, at Gonzales. Gayunman, wala pa si Pacquiao sa presscon.

Samantala, dumalo rin sa presscon ang running mate nina Lacson at Domagoso na sina Senate President Vicente Sotto at Doc Willie Ong.