CAGAYAN - Patay ang tatlong pinaghihinalaang lider ng New People's Army (NPA) matapos umanong makasagupa ang mga sundalo sa Piat nitong Huwebes Santo.
Kabilang sa mga napatay sina Saturnino Agunoy, alias Peping, pinuno ng Regional Operations Department ng Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV), Mark Canta, alyas Uno, ng Giyang Politikal, West Front Committee, at isang alyas Val, na medical officer ng West Front Committee ng Komiteng Probinsya-Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.
Sa rekord ng pulisya, patung-patong ang warrant of arrest ni Agunoy sa 14 na kasong Qualified Assault Upon Agent of Person in Authority with Murder; Murder na walang inirekomendang piyansa at Rebellion.
Sa report ng Cagayan Provincial Police Office, nagpapatrulya sa lugar ang mga tauhan ng 17th Infantry Battallion (IB) ng Philippine Army (PA) nang makasagupa umano ang mga rebelde sa Barangay Maguilling, Piat.
Matapos ang limang minutong sagupaan, napatay ang tatlong rebelde. Walang naiulat na nasawi o nasugatan sa panig ng gobyerno, ayon sa pulisya.
Narekober sa encounter site ang dalawang Cal. 45 pistol, isang granada, isang backpack na may kargang laptop, medical supplies at mga subersibong dokumento.