Nakapagtala na ang Pilipinas ng 66,652,616 na nakatanggap ng dalawang dose ng Covid-19 vaccine at 12,477,480 sa kanila ay mayroon nang booster o karagdagang mga shot.

Batay sa pinakahuling datos ng National Task Force (NTF) Against Covid-19, may kabuuang 5,165,927 ang naghihintay para sa kanilang second dose. Habang sa mga pediatric vaccinees, 9,901,584 na may edad 12 hanggang 17 at 2,478,590 na may edad lima hanggang 11 ay mayroong kahit isang dosis.

Ayon sa ulat ni NTF chief Secretary Carlito Galvez Jr. kay Pangulong Rodrigo Duterte, bahagyang bumagal ang pagbabakuna sa nakalipas na mga buwan — ang tinuturong dahilan ay nauugnay sa panahon ng halalan na naghati sa atensyon ng mga local government units (LGUs) at mga relihiyosong kaganapan.

"Nakikita na natin itong mga dahilan, 'yung Ramadan, 'yung Holy Week, and also 'yung election rallies ay talagang magpapababa sa ating pagbabakuna dahil ang atensiyon po ng mga LGU ay nandoon na po sa election at saka mga tinatawag nating mga holy celebration po natin," ani Galvez.

National

Eastern Samar, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Dagdag pa ni Galvez, mayroong medyo mataas na saklaw ng pagbabakuna sa pagitan ng 18 hanggang 59 na pangkat ng edad, na may halos 80 porsiyento ng ganap na nabakunahan na may edad na 60 taong gulang pataas.

Ani Galvez, pinararami na ng gobyerno ang pagsisikap na magbigay ng booster shots sa hindi bababa sa 40 milyon, mapabilis ang pagbibigay ng second dose sa 11.5 milyon sa mga pediatric age group, at ganap na mabakunahan ang natitirang 20% ng 1.8 milyong senior citizens.

Iginiit naman niya na mayroong sapat na supply ng mga bakuna para sa lahat ng sektor.