Siniguro ng Department of Justice Office of Cybercrime (OOC) nitong Martes, Abril 12, na hahabulin nila ang mga responsable sa pagpapakalat online ng isang pekeng sex video ng panganay na anak ni Bise Presidente Leni Robredo na si Aika Robredo.
Nagsimulang kumalat noong Lunes ng gabi, Abril 11, ang mga link ng mga pekeng video ni Aika.
Ito ang ikalawang high-profile election-related cybercrime na ini-imbestigahan ng DOJ kasunod ng banta sa Twitter sa buhay ng karibal ng Bise Presidente sa pagkapangulo na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
"Our investigation agents are on it. If it needs further investigation, we will endorse the same to the NBI (National Bureau of Investigation) Cybercrime Division," ani OOC Officer-in-Charge, Charito Zamora, sa isang text message na ipinasa sa mga media.
Nanawagan rin ng opisyal na aksyon ang tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez sa mga video at sinabing isinasaalang-alang nila ang mga kaso laban sa utak sa likod nito.
Nakiusap din ang kampo ng Bise Presidente sa publiko na huwag ibahagi at iulat ang mga nasabing video.
Samantala, pinayuhan ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang nakababatang Robredo na huwag maabala sa pag-atake.
"Let not the lies disturb you. The truth of your life of decency and humility and service and intelligence is known by all of us. Only liars will believe their own kind," ani Villegas sa isang Facebook post.
Naniniwala naman ang kampo ni Robredo na ang layunin lamang ng malisyosong video ay upang pigilan ang momentum ng kanilang kampanya.