Kasunod ng pinag-usapang quiz history session ng ‘Pinoy Big Brother” (PBB) kamakailan dahil sa mali-maling mga sagot ng housemates, may sentimiyento ang educational content creator at author na si Lyqa Maravilla.
Sa isang Tweet, gabi ng Lunes, Abril 11, hindi na bagong balita para sa coach ang GOMBURZA issue sa viral PBB stint.
“I’ve met Accountancy graduates na hindi marunong mag-divide, BSED English majors na hindi alam ang pagkakaiba ng your at you’re, at working professional teachers na fake news spreaders,” mababasa sa kanyang tweet.
Pagbubuod niya, “Matagal na hong may krisis.”
Rekomendasyon pa niya, ipasok sa sikat na "Bahay ni Kuya" ang kilalang historyador na si Michael Charleston Chua.
Samantala, umani naman ng batikos mula sa ilang accountants ang naging pahayag ni Lyqa. Para sa kanila, exaggerated umano ang pahayag ng coach.
Ilan sa mga ito ay agad na sinagot din ni Lyqa. Binigyang linaw pa niyang muli ang naunang tweet.
“The Accounting grads I met na hindi marunong mag-divide already failed the CPALE [Certified Public Accountant Licensure Exam] multiple times kaya CSE [Civil Service Examination] ang sinusubukan nilang ipasa. Sa CSE, hindi pwedeng gumamit ng calculator. Doon sila nags-struggle,” anang coach.
Pagpapatuloy niya, “The fact that people were offended by my statement about the crisis sa education just proves my point.”
Muli niyang disclaimer, “I didn’t say all Accounting grads don’t know how to divide. I didn’t say all Educ grads have trouble with English o lahat ng guro ay fake news spreaders.”
Matatandaang maging si Presidential candidate at Vice President ay naniniwalang kasalukuyang may educational crisis sa bansa. Kung maluluklok na pangulo, isa sa mga agarang tugon niya sa isyu ay ang pagdedeklara nito.
Aniya sa isang talumpati kamakailan, sisiguraduhin din niyang mabibigyan ng sapat na pondo ang sektor ng edukasyon para masolusyunan ang ilang nakakabit na suliranin dito.
Panghuling paalala ni Lyqa: “When we get too defensive kasi kabaro natin, minsan nabubulag tayo sa realidad ng sitwasyon.”
“Hindi ba’t mas maiging aminin nating may problema para masimulan nating masolusyunan?” dagdag niya.