Bilang parte ng kampanya para sa kalusugan, naglabas ng apat na punto ukol sa pagpapaunlad ng sistemang pangkalusugan ang labor leader at presidential aspirant na si Ka Leody de Guzman.

Ayon kay Ka Leody, bago pa man ang pandemyang Covid-19, batbat na ng mga suliranin ang health system sa Pilipinas.

Aniya, "Ang kalusugan ng mamamayan ay hostage ng mga malalaking kapitalista dahil sa patakaran ng pribatisasyon (direkta man o sa anyo ng public-partnership). Dahil dito, inabandona ng gobyerno sa responsibilidad nito para sa panlipunang serbisyo."

Dagdag pa ng labor leader, sa Pilipinas, magastos ang magkasakit. Mahal ang pagpapa-ospital at pagpapagamot.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Kaugnay rito, inilatag ng presidential aspirant ang apat na adyenda sa kalusugan bilang solusyon sa problema sa sistema ng kalusugan sa bansa.

Una na dito ay ang "Protektahan ang manggagawang pangkalusugan," na kung saan ay tinatalakay ang maayos; tama at angkop ng distribusyon ng mga manggagawang pangkalusugan sa bansa; pagsasa-regular ng mga manggagawa; pagtaas ng 25% na sahod; pagtatayo ng mga unyon; pagbibigay ng One Covid-19 Allowance o OCA; pagpapalakas sa implementasyon ng Magna Carta para sa Public Health Workers; at pagkilala ng batas sa barangay health workers (BHW) at barangay nutrition scholars (BNS) bilang mga ganap na kawani ng gobyerno.

Pangalawa sa adyenda ni Ka Leody ang "Proteksyunan ang karapatan ng bawat Pilipino sa maayos at abot-kayang serbisyong pangkalusugan."

Nakapaloob sa puntong ito ang paglalaan ng P100 bilyon sa unang taon para sa mga kawani ng kalusugan sa antas-LGU (local government unit); pagpapalakas sa kapasidad ng mga City Health Offices, Rural Health Units, at mga Barangay Health Stations na silang sumeserbisyo sa mga maralitang mamamayan; paglalagan ng primary care teams (doktor, nars, BHW, BNS) at iba pang allied health workers (social workers, indigenous healers) sa bawat barangay; at pagbibigay prayoridad sa health care system sa lahat ng antas lalo na sa mga provincial LGU.

Ikatlong punto ni Ka Leody ay ang "Gradual na pagbabaklat sa neoliberalismo sa sektor ng kalusugan."

Tungunin ang adyendang ito na gawing national single payer ang Philhealth; Amyendahan ang Local Government Code at ang UHC Act; pagreregulasyon at istandardisasyon sa mga presyo ng serbisyong medikal, kasama ang professional fees ng mga doktor at espesyalista; pagpigil sa privatization and corporatization ng mga pampublikong mga ospital at pasilidad (e.g. laboratory/testing centers, atbp.); at pagpapalakas sa conflict of interest management.

Huli sa adyendang isinusulong ng labor leader ay ang "Lahatang panig na programang pangkalusugan," na kung saan ay nagbibigay ng programa sa pag-iwas sa sakit at pagpapalakas ng resistensya’t katawan ng mamamayan, kasama ang nutrisyon at pagtitiyak sa balanse sa ekolohiya’t kalikasan at paglalaan ng minimum na 1% ng kabuuang pondo ng lokal na pamahalaan para sa Special Health Fund.

Ani Ka Leody, "Makitid din ang pagtanaw sa usaping pangkalusugan. Mas nakatuon sa tinawag na “universal healthcare” medical insurance, sa pagpapaospital at pagpapagamot. Imbes na maging lahatang panig, na tinitiyak ang nutrisyon at masustansyang pagkain, malinis na hangin at tubig, pagpapalakas sa resistensya at pag-iwas sa mga sakit, at iba pang usaping magtitiyak sa pisikal at mental na kalusugan ng mga Pilipino."