Sinabi ni incumbent Pasig City Mayor Vico Sotto noong Linggo, Marso 27 na hindi niya papayagan ang demolisyon ng mga tahanan hanggang sa matugunan ang mga pangunahing pangangailangan at serbisyo sa mga lugar para sa relokasyon kung siya ay muling mahalal para sa ikalawang termino.
Sa isang caucus sa Barangay Maybunga, hinawakan ng alkalde ang isyu ng pabahay, kung saan ang mga pamilya ay sapilitang inilipat sa mga lugar na walang kuryente, tubig, at malayo sa mga paaralan at ospital o health center.
“Darating din naman tayo sa punto na kailangan natin ayusin ang mga danger zones natin kasi ayaw natin na nasa alanganin ang mga residente. Nasimulan na natin magplano para sa maayos na programa para sa pabahay. Hindi pwedeng marahas, o sapilitan. Gagawin natin ‘yan sa paraan na kinokonsulta at kinakausap muna kayo,” ani Sotto.
Ibinahagi ng alkalde na may planong magtayo ng 600-unit housing building para sa mga kabahayang nakatira malapit sa Rizal floodway.
Bumili rin ang pamahalaang lungsod ng limang ektarya na lupa sa Barangay Kalawaan para sa relocation purposes.
Sa mga mamamayan ng Barangay Maybunga, nagpahayag din siya ng planong magbigay ng pabahay para sa mga nakatira malapit sa baha ng Maybunga.
Hinikayat ni Sotto ang mga residente na iboto siya at ang kanyang team para maipagpatuloy ang mga proyektong ipinatutupad niya mula noong simula ng kanyang termino noong 2019.
“Hindi ko po sasabihin na perpekto na dahil malayo pa po tayo sa perpekto. Ang mahalaga ay tama ‘yung direksyon na patutunguhan natin,” dagdag ni Sotto.
Sa parehong araw, ipinagpatuloy ni Sotto kasama ang kanyang team na “Giting ng Pasig” ang pangangampanya sa bahay-bahay, sa pagsisikap na makipag-ugnayan sa mga botante sa bawat barangay sa lungsod.
Noong Sabado, Marso 26, binisita nila ang mga Barangay Santolan at Pinagbuhatan.
Khriscielle Yalao