Iniulat ng Department of Agriculture (DA) na mahigit 158,000 magsasaka at mangingisda ang nakatakdang makatanggap ng P3,000 halaga ng fuel subsidy sa ilalim ng P1.1B subsidy fund sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DA Assistant Secretary Noel Reyes na ang mga benepisyaryo sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), gamit ang mga motorized boat at crude-consuming machinery ay makikinabang sa subsidy, kahit na matapos ang unang oil price rollback na ipinatupad noong Martes.

“Iyan po ay ibibigay sa pamamagitan ng card mula sa DBP… Ipapakita lamang po iyong ID na iyan sa mga gasolinahan na accredited ng Department of Energy. Pwede po silang magpakarga at hanggang maubos po iyong P3,000 na iyon,” ani Reyes.

Dagdag pa ni Reyes na ang paunang P500M na pondo ay inilaan para sa rollout, at ang karagdagang P600M na pondo ay inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Aniya, “Iyong P500 million po, ito lang Marso naumpisahan na po iyan last week sa Tacloban. Noong nakaraang araw nandoon po kami sa Zambales pero tuluy-tuloy na po iyan through our regional offices ng DA at ng [Bureau of Fisheries and Aquatic Resources]."

Maliban sa P3,000 fuel subsidy, nauna nang tiniyak ng DA ang pamamahagi ng P5,000 halaga ng tulong sa mga magsasaka, sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance.