Kasunod ng mabigat na alegasyon ng isang netizen, agad na pinabulaanan ng “Kape Chronicles” director na si Darryl Yap ang umano’y pagtanggap niya ng P50 milyon para maging “attack dog” laban sa karibal ni Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Nitong Martes, Marso 22, pinatulan ng kontrobersyal na direktor ang isang Facebook post ng isang netizen ukol sa umano’y halaga ng perang natanggap niya parang maging isa sa mga exclusive attack dogs ng kampo ni Marcos.
Detalyado pang nilatag ng parehong nag-akusa ang umano’y bahay, luxury cars at condominium units at ilan pang ari-arian ng direktor para suportahan ang alegasyon nito.
“Kaya ‘wag kayong magtaka kung halos sambahin na niya ang mga Marcos,” saad ng netizen.
“100M na ang [net] worth niya. Isipin mo direk kumikita ka dati ng 50M na hindi mo sinasangla ang kaluluwa mo at di mo napapasama ang bayan pero sabi nga nila pera pera talaga,” dagdag nito.
Dahil sa pag-agaw ng atensyon nito sa social media, agad na pinabulaanan ni Yap ang alegasyon. Inisa-isa pa nito ang mga ari-ariang nabanggit ng netizen at ibinahagi ang taon kung kailan nabili ito ng direktor.
Narito ang limang bahagi ng paliwanag ni Yap:
1. 50M - grabe! sana ngaaa po.
2. Attack Dog? ang cute ko namang attack dog! eh feeling ko tea cup pomerianan ako eh.
3. Naipatayo ko po ang bahay ng parents ko, year 2020, Mazda CX9 (2019) ang Ford Raptor (2020) FJ Cruiser (2021) at SM Light Condo—lahat po yan ay ipinagpapasalamat ko sa Viva Films at sa mga Del Rosario, dumaan po yan sa aming kumpanya at lahat ay pinagtrabahuhan ko, mula sa libro, ads, films at social media.
4. Yung Mezza condo po ay hindi sa akin, ito ay sa kamag-anak.
5. Ewan ko kung saan nakuha yung Mulberry hahaha! Baka ‘di ako yun. May katrabaho ako sa films na direktor din na taga-taguig pero di ako yun.Dagdag pa niya, “Ibinenta ko po ang lahat ng aking sasakyan bago magcampaign season dahil nga gusto kong bilhan ang aking magulang ng kanilang dream car, nagpalit din ako ng sasakyan for security purposes—kasi alam kong magiging mainit ang kampanyang ito.”
Magkahalong tuwa at saya naman ang nararamdaman ng direktor dahil sa halip na kalabanin umano ang kanyang mga content ay siya na mismo ang inaatake ng kanyang mga kritiko.
“So tapos na tayo sa Pedophile script? Ine-elaborate n’yo na ang “bayaran” plot ninyo,” saad ni Yap.
Ilang resibo ang nilapag ng direktor upang patunayan na nabili niya ang mga nabanggit na aria-arian bago pa magsimula ang kampanya para sa botohan sa Mayo.
Kilala si Yap sa kontrobersyal na “Kape Chronicles” series kung saan rito ang bumida ang kapatid ni Marcos Jr. na si Sen. Imee Marcos. Matatandaan ding ilang tagasuporta ni Presidential candidate at Vice President Leni Robredo ang pumalag sa umano'y serye na anila'y isang atake sa kandidato.