Sinabi ni Senador at vice presidential aspirant na si Francis “Kiko” Pangilinan na naniniwala siyang mayroon nang “sapat” na kapangyarihan at responsibilidad ang bise presidente sa Saligang Batas, at sinabing nasa bise-presidente ang gamitin ang posisyon sa pagtupad ng mga tungkulin.

"Sapat na 'yung ating Saligang Batas sa usapin ng kapangyarihan na maaring ibigay sa vice president. Bakit? Nasa vice president na 'yun, kung sino man siya, kung paano niya gagamitin ang posisyon at kapangyarihan para makatulong sa ating mga kababayan," ani Pangilinan sa naganap na vice-presidential debate na in-organize ng Commission on Elections o Comelec.

Binanggit ni Pangilinan kung paano ginawa ng kanyang running mate, kandidato sa pagkapangulo at Bise Presidente Leni Robredo ang lahat ng kanyang makakaya upang pagsilbihan ang bansa at mga tao sa kabila ng limitadong mandato at mapagkukunan ng kanyang opisina.

"Nakita natin 'yan sa naging kilos at naging trabaho ng ating Vice President Leni Robredo lalo na dito sa Covid response. Siya ang unang opisina ng gobyerno na nakapagbigay ng PPEs sa mga front-liners natin sa iba't-ibang parte ng ating bansa. Samu't-sari ang naging intervention ni Vice President Leni para tumulong at hanapan ng solusyon sa loob ng dalawang taon 'yung problema sa Covid," dagdag niya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Giit pa ni Pangilinan, sinimulan ni Robredo ang libreng shuttle services para sa mga front-liners, telemedicine channels sa Bayanihan E-Konsulta, bukod sa iba pang mga programa sa gitna ng umiiral na krisis sa kalusugan.

"Sapat na ang kapangyarihan at mga alintuntunin ng Saligang Batas para sa ating Bise Presidente," ani Pangilinan.

Gayunpaman, tinugon ni Pangilinan ang panukala ng kapwa vice presidential bet, Dr. Willie Ong, para sa isang "tandem vote" para sa presidente at bise presidente.

Aniya, "Sinasang-ayunan ko ang nabanggit kanina ni Doc Willie na dapat tandem, hindi maaring ibang kapartido. Ang boto sa presidente, dapat 'yun din ang boto sa bise presidente para nagtutulungan, para mayroong pagkakaisa, para kumpleto ang plano sa umpisa pa lamang at hindi nagkakaroon ng anumang bangayan."