Ininspeksiyon nitong Lunes, Marso 14 ng mga opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang impounding area sa HK Sun Plaza sa Roxas Boulevard kung saan naka-impound ang mga colorum at out of line na pampasaherong bus kasunod ng kampanya laban sa hindi rehistradong o unregistered public utility vehicles (PUVs) na nag-ooperate sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
“More than 30 colorum vehicles are now impounded here since March 9,” pahayag ni MMDA Chairman Romando Artes sa mga mamamahayag sa gitna ng inspeksyon.
Ayon kay Artes, nagsagawa ng mga operasyon matapos ireport ng mga provincial at city bus operators sa MMDA ang maraming provincial buses na nag-bypass sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Karamihan sa mga sasakyang colorum vehicles kabilang ang mga pampasaherong bus at AUVs na nahuli sa C5 Road, Diosdado Macapagal Boulevard at pangunahing kalsada sa Pasay City.
Binalaan din ni Artes ang mga kumpanya ng bus na huwag mag-abot ng “payola” sa traffic enforcers na magbibigay lang aniya ng “false sense of security from being apprehended.”
“We do not tolerate extortion, bribery, and other forms of corruption among our personnel or they will be dealt with accordingly. We will continue apprehending colorum and out of line buses,” ani Artes.
Sinabi naman ni Usec. Frisco San Juan Jr., MMDA General Manager at Deputy Chairman, na paiigtingin ng ahensya ang mga operasyon laban sa PUVs na walang maayos na prangkisa mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
“The MMDA will continue our drive against colorum and out of line vehicles with the newly-appointed Anti-Colorum Unit Head Bong Nebrija,” sabi ni San Juan.
Samantala, ininspeksyon din ng MMDA officials ang progreso ng pagkukumpuni sa drainage box culvert sa harapan ng Libertad Pumping Station, southbound lane Roxas Boulevard.
Inilahad pa ni Artes na target ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na partial na bubuksan ang dalawang linya o lanes sa southbound lane Roxas Boulevard sa Marso 21.
Aniya ang naturang bahagi ay isinara sa motorista simula noong Enero 15 upang bigyang daan ang proyekto.
Nagtapos ang kanilang inspeksyon sa Manila Bay Dolomite beach area kung saan ang mga tauhan ng Metro Parkway Clearing Group ang nagpapanatili ng kalinisan doon.
Binigyang-din pa ni Artes na ang solar-powered sewage treatment plan sa Baywalk area sa Roxas Boulevard ay may malaking ambag nito sa paglilinis ng maruming tubig na dumadaloy sa Manila Bay.