Bigo na naman ang pamahalaan na maabot ang kanilang target na 1.8 milyong Covid-19 vaccinees sa ikaapat na bugso ng Bayanihan, Bakunahan Nationwide Vaccination Drive o Bakunahan 4, na idinaos sa bansa mula Marso 10, Huwebes, hanggang 12, Sabado.

Kaugnay nito, pinag-aaralan na umano ng pamahalaan na palawigin pa ang naturang programang pagbabakuna para mas maraming mamamayan pa ang mabakunahan at mabigyan ng proteksyon laban sa sakit.

Sa Laging Handa briefing nitong Sabado, kinumpirma ni Department of Health (DOH) Undersecretary at National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson Myrna Cabotaje na 836,162 o 44.49% lamang ng kanilang 1.8 milyong target population ang nabakunahan sa loob ng tatlong araw na vaccination drive.

Sa naturang bilang, 202,915 ang first doses; 359,546 second doses; at 273,701 booster shots.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

May kabuuang 23,868 doses naman ang naibigay sa A2 category ng senior citizens.

“Nakapagbakuna tayo ng 836,000 cumulative doses or 44.49 percent ng ating target at karamihan dito ay second dose at booster doses. So nakita natin, mababa ang ating coverage ng senior although ang ating mga regional offices at LGUs (local government offices) ay gumawa ng iba’t ibang strategy para ilapit ang bakuna sa ating mamamayan,” ayon kay Cabotaje.

“Ang pinag-uusapan namin, kung i-e-extend natin,” pahayag pa niya.