Sinipi sa dating pangako ng Pangulong Duterte, sinabi ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tutugunan niya ang “endo” o ang sistema ng kontraktwalisasyon sa bansa kung sakaling mahalal siya sa Malacañang sa Mayo.

Sa kanyang kamakailang pagpupulong sa dalawang grupong party-list na nakatuon sa paggawa, sinabi ni Marcos Jr. na tiyak niyang ilalakip sa kanyang priority programs ang mas maayos na labor condition sa bansa. Ito ay kasunod ng kanyang talakayan sa kanila sa iba't ibang isyu ng sektor at ibinunyag ang kanyang mga plano para tugunan ang mga ito.

Sinabi ni Marcos sa mga opisyal ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) at Associated Labor Unions (ALU) na dapat maging streamlined ang lahat ng ahensyang nakikitungo sa sektor ng paggawa.

“I will have to put the lay out in detail because the issue has become so involved. Maraming dapat ayusin, structurally maraming dapat ayusin. Dapat i-streamline ang mga agencies, dahil masyado nang marami [ang mga opisina], ang mga workers natin, nalilito kung saan sila dapat lumapit,” ani Marcos Jr. ayon sa kanyang kampo nitong Miyerkules, Pebrero 23.

Sinabi rin ni Marcos Jr. na plano niyang unahin ang panukalang batas sa seguridad ng panunungkulan, na naglalayong amyendahan ang kasalukuyang Labor Code sa layuning protektahan ang mga karapatan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagbabawal sa labor-only contracting sa pribadong sektor, o kontraktwalisasyon.

Ito ang kaparehong hakbang na bineto ni Pangulong Duterte noong 2019 dahil "labis na pinalawak" nito ang saklaw ng labor-only contracting pati na rin ang mga ipinagbabawal na porma na naging hindi pabor sa mga empleyado.

Noong siya ay nangangampanya pa sa pagkapangulo noong 2016, nangako si noo’y Davao City Mayor Duterte na tatapusin na ang praktis ng “endo”.

Batid ang dahilan ni Duterte sa kanyang pag-veto, sinabi ni Marcos Jr. na aamyendahin niya ang mga probisyon para matiyak na maipapasa bilang batas ang isang panukalang batas na nagpoprotekta sa mga manggagawa.

“Kailangang ayusin natin dahil ang ating mga kababayan, napipilitang magtrabaho overseas dahil mababa at hindi maayos ang labor conditions dito,” aniya.

Sinabi ng kampo ni Marcos Jr. na sinusuportahan din ng presidential aspirant ang paglikha ng hiwalay na departamento para sa mga migrant workers.

Sinabi rin ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer na kailangang i-streamline ang mga ahensyang tututukan lamang ang mga lokal na manggagawa at overseas Filipino workers (OFWs).

Ito ay matapos ipalabas ni TUCP Party-list Rep. Raymond Mendoza ang corcerns ng mga OFW, na kinabibilangan ng pagpoproseso ng maraming requirements bago umalis ng Pilipinas, bukod pa sa kanilang karaniwang problema sa ibang bansa.

Bagama't pumayag siyang tugunan ang mga ganitong problema, sinabi ni Marcos Jr. na ang layunin niya ay gawing opsyon lamang ang trabaho sa ibang bansa para sa mga Pilipino.

Joseph Pedrajas