Usap-usapan ngayon sa social media ang aircraft ng isang airline company kung saan makikitang nakaukit ang pangalan ng UniTeam tandem Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice Presidential candidate at Davao City Mayor “Inday” Sara Duterte.

Ipinagmalalaki kamakailan ng ilang tagasuporta ng UniTeam tandem ang mga larawan at clip sa video-sharing platform na Tiktok kung saan makikita ang mga salitang “BBMSARA UNITEAM2022” sa isang aircraft ng Pan Pacific Airlines.

Dahil dito, umani ito ng sari-saring diskusyon online. Kabilang sa usapin ang tanong kung sino ang nagmamay-ari sa kompanya na idineklara pa lang ikaapat na pinakamalaking airline company sa bansa noong 2019.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

https://twitter.com/PinoyAkoBlog/status/1495665840863461376

Ayon sa kanilang official website, ang Pan Pacific Airlines ay nasa ilalim ng Astro Air International na itinatag ng Filipino-Chinese businessman na si Donald Dee noong 1973. Kasalukuyan itong pinamamahalaan ni IBCTV13 Board Member Arturo M. Alejandrino bilang President and Chief Operating Officer (PCOO).

Bagama’t wala pang opisyal na pahayag ng pagsuporta sa kandidatura ng UniTeam ang naturang kompanya, hayagan na nitong ibinalandra sa kanilang mga konsyumer ang sinusuportahang kampo ng mga kandidato sa botohan sa Mayo.

Gaano kalaki ang Pan Pacific Airlines?

Noong 2019, ang airline company ay nag-landing sa ikaapat na puwesto pagdating sa pinakamaraming naserbisyuhang international passengers. Umabot ng 250,977 na pasahero ang nailipad nito sa kabuuang 12,423,134 na bilang ng mga pasahero ng tatlong pinakamalaking airline company sa bansa kabilang ang Philippine Airlines, Cebu Pacific at Philippine AirAsia.

Hindi naging matagumpay ang unang pamumuhunan nito noong 2012, muling nakabangon ang kompanya matapos makatanggap ng kabi-kabilang investment mula sa South Korea. Kalauna’y ang South Korean market ang naging target nito noong 2016 kung saan ipinakilala sa bansa ang ilang kilalang destinasyon sa Pilipinas kabilang na ang lalawigan ng Aklan at Cebu.

Saan karaniwang makikita ang mga aircraft ng Pan Pacific?

Kasunod ng hayagang pag-endorso ng Pan Pacific sa UniTeam, maaaring mamataan ang mga fleet nila sa kanilang main hubs sa Kalibo International Airport, Mactan-Cebu International Airport at Clark International Airport.

Mula 2019, binubuo ng limang aircraft ang fleet ng airline company. Hindi naman kumpirmado kung ilan dito ang makikitang bitbit ang pangalan ng UniTeam tandem.

Samantala, ayon sa Skyscanner at CAPA - Centre for Aviation, bagaman ang Pan Pacific Airlines ay isang “Filipino carrier based” company, ang Pan Pacific Airlines Co Ltd ay rehistrado bilang isang Seoul-based company noong 2016.

Layon nitong i-improve ang flight services operation sa pagitan ng Pilipinas at South Korea.