Para kay Deputy Speaker Rodante Marcoleta, marami nang magagandang batas na naipasa para sa mahihirap, kailangan lamang maipatupad ng maayos.

Lumaki si Rep. Marcoleta sa pamilya ng mga magsasaka sa Paniqui, Tarlac. Pangalawa siya sa siyam na magkakapatid. Mahalaga sa kaniya ang edukasyon. Hindi naging hadlang ang kahirapan para abutin ang kaniyang mga pangarap.

Sa katunayan, isa sa mga mahahalagang pangyayari sa kaniyang buhay ay ang pagtatapos niya sa elementarya bilang valedictorian. Umuulan noong araw na iyon kaya ginanap ang seremonya sa dry section ng palengke ng Paniqui dahil yun lang ang malapit na lugar na may bubong. Naging memorable ang araw na iyon para kay Rep. Marcoleta dahil unang beses siyang nakapagsuot ng relo na ipinahiram ng kaniyang ama. Unang beses din siyang nakapagsuot ng bagong pantalon na ipinagawa ng kaniyang ama para sa okasyon.

Ngunit sa kaniyang murang edad, nasaksihan na ni Rep. Marcoleta ang kawalan ng katarungan sa mga mahihirap. Naranasan ito ng kaniyang sariling pamilya. Minsan nga naitanong niya sa kaniyang ama kung sapat ba ang kaniyang nakukuha sa kanilang mga pananim na tubo.

Human-Interest

Guro, kumasa sa ipon challenge para mabigyan ng Christmas party kaniyang advisory class

Kaya naman nagsumikap si Rep. Marcoleta na makatapos sa pag-aaral at maging abogado upang matulungan ang kaniyang pamilya at ang iba pang mahihirap.

Noong naging abogado siya, sinikap niyang makatulong sa maraming tao, lalo na iyong mga mahihirap na kailangan ng suportang legal dahil sa mga kaso ng pagpapaalis sa kanilang tinitirhan, at iba pang isyu.

Naisip niya na kung mabibigyan siya ng pagkakataon na maging lingkod-bayan ay tiyak na mas marami pa siyang matutulungan.

Noong 2004, pumasok siya sa pulitika bilang Party List Representative. Nakapagpasa siya ng mga batas na makatutulong sa mga mahihirap tulad ng libreng edukasyon sa kolehiyo, libreng irigasyon, access sa pangangalagang pangkalusugan, at ang Magna Carta of the Poor.

Ngayong tumatakbo siya sa Senado sa ilalim ng UniTeam nina dating Senador Bongbong Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte, umaasa si Rep. Marcoleta na mag-ambag hindi lamang sa paglikha ng mga batas na makatutulong sa mga marginalized sectors, kundi pati na rin sa pagpapalakas ng oversight function ng Kongreso. Idiniin niya na ito ay mahalaga dahil ang oversight function ay tumatalakay sa kakayahang matukoy kung ang mga layunin ng batas ay ipinatutupad at sinusunod.

Pangarap niyang magkaroon ng matatag at mapayapang bansa. Nais niya ng stability lalo na't ang bansa ay dinadalaw ng ilang bagyo at iba pang sakuna — lahat ng ito ay unang nakakaapekto sa mga mahihirap.

Nais din niyang tumulong sa pagtugon sa katiwalian sa bansa. Binigyang-diin niya na kahit gaano kasipag ang mga pinuno, kapag laganap ang katiwalian ay nakakaubos ito ng kaban ng bayan. Sa huli, ang mahihirap na naman ang lalong naghihirap dahil ang pondo ay napunta na sa bulsa ng iilan sa halip na mapunta sa mga serbisyong pampubliko.

Anna Mae Lamentillo