Kumpiyansa si Manila Mayor Isko Moreno na kung may mga pagkukulang pa siya sa kanyang paglilingkod bilang alkalde ng Maynila ay kayang-kaya na itong ipagpatuloy ni Vice Mayor Honey Lacuna, na tumatakbo sa pagka-alkalde ng lungsod sa May 9, 2022 elections.

Ito ang pahayag ni Moreno nitong Lunes, Pebrero 21, na tumatakbo naman sa pagka-pangulo sa ilalim ng partidong Aksyon Demokratiko, kasabay ng pasasalamat niya sa mga Manilenyo dahil sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataon na magsilbi bilang alkalde.

Nanawagan din siya sa mga mamamayan na tulungan siyang dalhin ang mga positibong pagbabago sa Maynila sa buong bansa.

“When I asked for the opportunity to be elected as mayor… ‘yung bigyan lang ako ng pagkakataong mahalal bilang alkalde ng lungsod, which you did and I hope di ko kayo napahiya. I hope I didn't fail your expectations at kung me kulang pa ko, habang me panahon ay di ko sasayangin.Pero naniniwala ako na kayang-kaya ‘yan ipagpatuloy ni Vice Mayor Honey Lacuna,” ayon pa sa alkalde.

Binanggit rin ni Moreno ang positibong partisipasyon ni Lacuna sa lahat ng mga proyekto ng lungsod at binigyang-diin na alam na alam ng bise alkalde ang mga pasikot-sikot nito lalo na sa social amelioration program na nagkakaloob ng buwanang cash aid sa mga senior citizens, persons with disabilities, solo parents at university students.

Sinabi ng alkalde na matapos na matupad niya ang kanyang pangarap para sa mga Manilenyo ay nais niyang ipagpatuloy ito para sa lahat ng Pinoy habang si Lacuna naman ang magpapatuloy sa paglilingkod sa mga residente ng Maynila.

“Lahat ng pangarap na ito ay mananatiling pangarap kapag hindi kayo gumawa ng kakaibang bagay. Huwag kayong umasa na may bagong mangyayari sa bansa. If you elect the same set of people, don't expect different results,” sabi ni Moreno.

Nagpapasalamat rin ang alkalde sa lahat ng mga Manilenyo lalo na kung inisip ng mga ito na ang imposible ay puwede palang maging posible at na- appreciate ang kanyang lahat ng ginawa para sa kanila.

Kung ganito ang kaso, hinimok ni Moreno ang lahat na tulungan siyang matupad ang kanyang pangarap upang ang buong bansa ay makinabang sa uri ng serbisyong pinakikinabangan ngayon ng mga taga-Maynila.

“Kung sa tingin nyo lahat ng nabitawan kong salita na parang imposibleng pangarap ay naganap lahat at kung me sobra pa thank you kung na-appreciate nyo. Kung gusto nyo matupad ang ating pangarap sa mga kamag-anak nyo sa probinsiya o sa buong bansa, iba naman,” sabi pa ni Moreno.

Samantala, pinasalamatan rin ng alkalde ang lahat ng barangay chairman saMaynila para sa mabilis na pamamahagi ng food relief items sa may 700,000 pamilya sa lungsod.

Tiniyak din niya na silang dalawa ni Lacuna ay hindi titigil sa paghahanap ng paraan upang maibsan ang kahirapang dinaranas ng mga residente bunga ng umiiral na pandemya.

“Maraming salamat sa ating mga chairman.  Sinamahan nila kami na maibsan ‘yung daranasin at dinaranas na gutom ng ating mga kababayan at naipaabot sa takdang oras ang ating food boxes,” sabi ni Moreno.