Hindi na mandatory ang pagsusuot ng face shield sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Levels 3, 2, at 1, ayon sa New Normal Manual ng Commission on Elections (Comelec) para sa May 2022 polls.
Batay sa manual, ang paggamit ng mga face shield ay dapat na "boluntaryo" para sa mga lugar sa ilalim ng Alert Levels 3, 2, at 1 alinsunod sa Memorandum ng Executive Secretary na may petsang Nob. 15, 2021, sa Protocols on the Use of Face Shields.
Sa ilalim ng General Guidelines na inilabas ng poll body noong Peb. 18, ang pagsusuot ng face mask at pagsunod sa minimum na health and safety protocols ay kailangan pa rin para sa kaligtasan ng mga botante.
Kinakailangan ding sumailalim ang mga botante sa isang non-contact temperature check sa pagpasok ng mga presinto ng botohan at dapat nilang obserbahan ang hindi bababa sa isang metrong distansya sa isa't isa.
Kung ang temperatura ng isang botante ay 37.5 Celsius pataas, siya ay imo-monitor ng mga medikal staff at kung ang botante ay may lagnat agad siyang dadalhin sa isang nakahiwalay na pasilidad ng botohan upang bumoto.
Bukod dito, ang bilang ng mga tao sa loob ng mga polling precinct ay ire-regulate ng poll body batay sa alert level sa lugar upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Sinabi ni Comelec Spokesperson James B. Jimenez na ang kaligtasan ng publiko ang kanilang primordial concern sa pagsasagawa ng botohan.
Nauna rito, sinabi ni Jimenez na ang pagsusuot ng face shield ay kinakailangan sa mga campaign events dahil itinuturing ito ng poll body na “crucial cornerstone of minimum health protocols.”
Jel Santos