Nangako si senatorial candidate at dating Philippine National Police (PNP) chief Guillermo Eleazar na susuriin niya ang iba’t ibang panukalang batas ukol sa online cockfighting sakaling mahalal siya bilang senador sa May 2022 elections.

Sinabi ni Eleazar na mahalagang palakasin pa ang kakayahan ng mga pulis, partikular sa crime prevention at investigative skills, kaugnay ng isyu ng mga nawawalang sabungwero.

“Well, talagang dapat imbestigahan ‘yon. Alam mo ‘yon ang trabaho naman ng law enforcement, ‘yung investigation. Kaya nga para sa akin talagang dapat maisulong pa ‘yung pagpapalakas ng capability ng ating law enforcement agencies, lalo na ‘yung crime prevention as well as investigative skills nila. At ‘yon ang isa sa mga isusulong natin kung sakaling papalarin tayo,” ani Eleazar sa panayam ng midya sa Baguio City.

Sinamahan ni Eleazar sina Senators Panfilo Lacson at Vicente Sotto III sa kanilang campaign sortie sa Baguio City nitong weekend. Noong Sabado rin nang tumanggap si Lacson ng Lifetime Achievement Award sa Philippine Military Academy (PMA) Alumni Homecoming. Si Lacson, na tatakbong presidente sa darating na May 2022 elections, ay dating PNP chief din bago naging mambabatas.

Sa parehong seremonya, pinagkalooban din si Eleazar ng Outstanding Achievement Award.

Sakaling magkaroon ng mga hakbang na maghahangad ng legislative franchise o anumang panukalang batas na susuporta sa ‘e-sabong’, sinabi ni Eleazar na kaagad niyang susuriin ang mga regulasyon sa sabong dahil ang mga aktibidad na ito ay itinuturing na awtorisado at legal.

“Pero ‘yon nga, dapat andoon ‘yung ating mga regulation na nakatutok doon para pangalagaan ang kapakanan ‘nung mga iba’t ibang stakeholders, particular itong mga mismong nag-a-avail o mga customer and kliyente nitong e-sabong na ito,” aniya.

“So dapat ma-review ‘yon at makita natin through consultation, malaman from the stakeholders anong mas makakaganda para sa kanila sa industry,’ dagdag niya.

Hannah Torregoza