Opisyal nang inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes ng hapon ang pagtatalaga kay Commissioner Socorro Inting bilang acting chairman ng poll body.

Kasabay nito, iniulat din ng komisyon ang balasahan na isinagawa sa membership ng dalawang dibisyon ng Comelec.

Sa isang kalatas, sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na si Inting ay magsisilbi bilang acting chairman ng Comelec hanggang sa makapagtalaga na ng bagong Chairperson ng komisyon.

"Acting Chairperson Inting will serve in such capacity until a new Chairperson has been appointed and assumed office,” ani Jimenez.

“Given her stellar performance in helming the Gender and Development initiatives of the Commission these past years, and in streamlining various internal processes in the resolution of cases, we in the Commission are confident of the Honorable Acting Chair's leadership moving forward,” dagdag pa niya.

Si Intingdin ang mamumuno sa Comelec First Division, na dating pinamumunuan ng nagretiro nang si Commissioner Rowena Guanzon at makakasama niya bilang miyembro si Commissioner Aimee Ferolino.

Samantala, ang Comelec Second Division naman, na dating pinamumunuan ni Inting, ay pamumunuan na ni Commissioner Marlon Casquejo. Makakasama niya ang bagong talagang si Commissioner Rey Bulay.

Mary Ann Santiago