May kabuuang 168 pamilya ang nabigyan ng sariling tahanan sa bagong Tondominium 1 condominium building sa Vitas, Tondo, na proyekto ni Manila Mayor Isko Moreno.

Nabatid na ang naturang lugar ay dating dumping ground o tapunan ng basura mula sa slaughterhouse ng lungsod bago ginawang pabahay ng alkalde.

Mismong si Moreno, na presidential candidate ng partidong Aksyon Demokratiko sa nalalapit na May 9 elections, ang nanguna sa formal turnover ng mga housing units at ribbon-cutting, kasama si Vice Mayor at mayoral candidate Honey Lacuna, Congressman Yul Servo, Councilor Dionix Dionisio at urban settlements office head Atty. Ma. Cristina Fernandez.

Sa kanyang talumpati, naluha pa ang alkalde at nagpahayag ng panghihinayang na hindi na ito nasaksihan ng kanyang ina.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Tila bumalik rin sa alkalde ang mga alaala ng mga hirap na pinagdaanan nilang mag-ina noong nakatira pa sila sa iskwater noong kanyang kabataan.

Ayon kay Moreno, ang lugar na pinagtayuan ng Tondominium 1 ay pag-aari ng pamahalaan.

Dagdag pa niya, “imagine what we can do for the entire nation if we are able to lead this country, in God’s grace.”

Tiniyak rin naman ni Moreno na kung papalaring magiging susunod na mayor ng Maynila si Lacuna, ay tiyak na ipagpapatuloy nito ang mass housing programs na kanilang sinimulan, katuwang si Servo, na kumakandidato naman sa pagka-bise alkalde ng lungsod.

Ipinagmalaki pa ni Moreno na ang suporta ni Lacuna ang isa sa mga susi ng tagumpay ng kanyang administrasyon.

Pinasalamatan rin niya ang pagsusumikap nina city engineer Armand Andres, city electrician Randy Sadac, city architect Pepito Balmoris at mga construction workers na siyang nagtulung-tulong upang maitayo ang Tondominium 1.

Nabatid na ang naturang proyekto ay isang 15-storey condominium building na matatagpuan sa 700 square-meter na lote.

Mayroon itong kabuuang 168 units, na bawat isa ay may sukat na 44 metro kuwadrado, at mayroong dalawang silid, isang palikuran, sala at dining area.

Mayroon rin umanong dalawang service elevators ang gusali, isang day care center, isang opisina, livelihood center na may toilet, pump room, electrical room, maintenance room, dalawang stair nodes at roof deck.

“Kung kaya gawin at nangyari dito sa Maynila, mangyayari din ito kahit saan sa Pilipinas,” aniya pa, na pahiwatig na magsasagawa siya ng mass housing program para sa mga walang tahanan sakaling palaring magiging susunod na pangulo ng bansa.

Mary Ann Santiago