Tiniyak ng Department of Health (DOH) na nag-commit na ang Pfizer-BioNTech ng may 30 milyong doses ng COVID-19 vaccine na gagamitin ng pamahalaan para sa nakatakdang pag-arangkada ng pagbabakuna sa mga batang nagkaka-edad ng 5-11 taong gulang sa Lunes.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakipag-negosasyon ang pamahalaan sa Pfizer para matiyak na may sapat na suplay ng bakuna ang bansa para sa naturang age group.

“Mayroon na tayong committed na 30 million doses ng Pfizer vaccine for 15 million na 5 to 11 year-old children,” ani Vergeire, sa panayam sa radyo.

Nabatid na bawat bata ay tatanggap ng dalawang dose ng bakuna, na may agwat o interval na 21 araw.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Dapat sana ay Pebrero 4 magsisimula ang pagbabakuna sa mga paslit ngunit naipagpaliban ito sa Lunes, Pebrero 7, matapos na  hindi kaagad na dumating ang mga bakuna na gagamitin para dito.

Nitong Biyernes ng gabi na ng dumating ang may 780,000 na mga bakuna at inaasahan ni Vergeire na magsusunud-sunod na ang pagdating nito sa bansa.

"Dumating ang 780,000 doses ng bakuna kagabi para sa ating kabataan. Sunod-sunod nang darating ang mga bakuna kaya we will have our expansion within this month,” aniya pa.

Una nang sinabi ng Malacañang na sisimulan ang pagbabakuna sa mga bata sa anim na vaccination sites.

Ani Vergeire, magsisimula ito ganap na alas-10:00 ng umaga sa Lunes.

Pagsapit naman ng Martes ay palalawakin pa ito sa 38 pang lugar sa Metro Manila, gayundin sa  Region 3 at Region 4A.

“By next week, we will be launching in specific regions in the country like Davao and Cebu,” aniya pa.

Siniguro rin naman ni Vergeire na walang pilitang mangyayari sa pagbabakuna ng mga bata at ito ay purely voluntary lamang.

Mary Ann Santiago