Nakikitaan na ng decreasing trend o pagbaba ng mga bagong kaso ng COVID-19 ang National Capital Region (NCR) habang pitong highly-urbanized cities (HUCs) naman ang nakitaan ng COVID-19 surge.

Base sa datos na ibinahagi ni Dr. Guido David ng OCTA Research Group, sa kanyang Facebook account nitong Sabado, nabatid na ang NCR ay nakapagtala na ng -30 na one-week growth rate ng COVID-19 cases.

Naobserbahan naman ang surge ng COVID-19 cases sa pitong HUCs na nakapagtala ng mataas na growth rate, kabilang dito ang Baguio City (137%); Iloilo City (208%); Cebu City (254%); Lapu-Lapu City (96%); Tacloban (142%); Davao City (299%); at Cagayan de Oro (236%).

Ani David, nakikitaan naman nang pagbagal ng mga naitatalang bagong ng kaso ng sakit ang Angeles City na nakapagtala ng one-week growth rate na 16%; Lucena na may 26%; at Olongapo na may 14%, kumpara sa noong nakaraang linggo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“HUC update.Decreasing in NCR, slowing in Angeles, Olongapo, Lucena.Surging in Baguio, Iloilo City, Cebu City, Lapu Lapu, Tacloban, Davao City, CDO.Please continue to follow health protocols,” ani David.

Samantala, iniulat rin naman ni David na ang NCR ay nakapagtala pa rin ng ‘severe’ na average daily attack rate (ADAR) nitong Biyernes, na nasa 83.93, gayundin ang Baguio City na nakapagtala naman ng 152.65 ADAR.

Nasa ‘high’ pa rin naman ang infection o reproduction number sa NCR na nasa 1.38 habang ang iba pang nabanggit na HUCs ay mayroong ‘very high’ na reproduction number.

Ang Davao City ang nakapagtala ng pinakamataas na reproduction number na nasa 4.04.

Ang reproduction number ay yaong bilang ng mga taong maaaring maihawa ng isang pasyente ng COVID-19. Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon nang pagbagal ng hawahan ng virus.

Mary Ann Santiago