Binuksan na nitong Lunes ang isang bagong center na gumagamit ng high-tech robotic system para tulungan ang mga stroke patients at yaong may brain injuries, sa Sta. Ana Hospital (SAH) sa lungsod ng Maynila.
Magkatuwang na pinangunahan nina Manila Mayor Isko Moreno, Vice Mayor Honey Lacuna, Congressman Yul Servo at SAH Director Dr. Grace Padilla ang inagurasyon ng bagong Physical Therapy and Rehabilitation Medicine and Robotics Center.
Nabatid na ang naturang center ay gagamit ng bagong hybrid-assisted limb robotic exoskeleton upang matulungan at ma-rehabilitate ang iba’t ibang neuro issues gaya ng stroke, spinal cord, traumatic brain injury at iba pang problema sa brain, neuro-muscular system na nagreresulta nang panghihina at pagkaparalisa ng upper at lower extremities ng isang tao.
Ayon kay Moreno, mayroong tatlong uri ng serbisyo na ibibigay ang center para sa lower limb, single joint at lumbar type.
Tiniyak pa ni Moreno na ang naturang bagong medical equipment ay maaaring i-avail ng mga mayayaman, mahihirap at mga nasa middle class.
Kumpiyansa rin si Moreno na ang naturang bago at fully-airconditioned na karagdagang silid sa SAH, ay inaasahan aniyang magkakaloob ng access para sa mas mahusay na health care utilizing technology.
Aminado naman si Moreno na ang naturang ideya na kinopya niya.“Kinopya natin ito at di ako magsasawang kumopya. Copy, duplicate and innovate para sa tunay na solusyon at mabilis na aksyon para sa ating mgakababayan. With the help of technology, in this case robot, mas madali makaka-recover so the rich, middle class and the poor now have access to first-class services gaya ng bakunahan sa lungsod na para sa mahirap at mayaman.”
Kaugnay nito, ipinagmalaki rin ng alkalde ang mga pinuno at mga tauhan ng SAH, na sa kabila ng hamong kinakaharap dahil sa pandemya ay patuloy na nagsusumikap na makapagbigay ng mahusay na serbisyo sa mga mamamayan.
Tinukoy pa ni Moreno ang bilang ng mga medical personal na dinapuan na ng impeksiyon, kabilang dito ang director ng SAH na si Padilla, at siya ring head ng infectious disease control center.
Kamakailan, 14 na personnel ng molecular testing laboratory ng pagamutan ang na-infect ng sakit, sanhi upang maantala ang paglalabas ng resulta ng mga isinasagawa nilang libreng swab tests sa mga mamamayan.
“Nung tinamaan ako, I thank those people who offered me the best facilities in fairness to private sector but I opted to stay at Sta. Ana because of the experience of our doctors, nurses and frontliners. Sa awa ng Diyos, nadale ko naman,” ani Moreno, na nagpahayag ng kumpiyansa sa kakayahan ng mga city health at hospital personnel.
Ipinagmalaki rin ni Moreno ang hemodialysis unit ng SAH na aniya ay ikinukumpara ng ilang medical experts sa ‘Mercedes Benz’ dahil sa pagiging high-tech nito.
“Kung kaya ng private na magbigay ng first-class, mas may kakayanan ang gobyerno dahil ang gobyerno may salapi, salapi ng taumbayan.So, it has to be returned through services and ayaw ko ng ‘mema’ services.Yung me masabi, me ma-picturan, me magawa lang. Gusto ko ma-achieve above average because the people deserve better things from the government especially nowadays,” anang alkalde, na presidential candidate rin ng Aksyon Demokratiko party.
Mary Ann Santiago