Karapat-dapat na mabigyan ng insentibo mula sa gobyerno ang mga indibidwal na piniling magpabakuna laban sa COVID-19, ayon kay Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso.

Sa isang panayam, sinabi ni Domagoso na hindi patas para sa mga taong nagsikap para lamang mabakunahan kung hindi makakakuha ng anumang insentibo mula sa gobyerno.

“Di ba unfair sa kanya ‘yun? Yung taong pumila tapos bibigyan natin ng bonus ‘yung tolongges? Bibigyan pa natin ng bonus ‘yung matigas ang ulo. Maling gobyerno ata ‘yun? Para sa akin ha, ‘yun ang opinyon ko. Mali ang gagawin ng gobyerno kapag hinihikayat ng isang ahensya ng gobyerno na bigyan ng bonus ‘yung matitigas ang ulo. Dapat bigyan ng bonus ‘yung mga masusunurin, ‘yung mga mabubuti," ani Domagoso.

Binanggit niya na ilang tao ang pumila ng alas-4 ng madaling araw sa iba't ibang vaccination centers para lamang makapagbakuna.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Samantala, sinabi ni Domagoso na hindi titigil ang Pamahalaang Lungsod na makipag-ugnayan sa mga hindi pa nababakunahan.

“Ang mabuting mamamayan ay sumusunod sa alituntunin, nagiging responsable sa sarili n’ya, nagiging responsable sa pamilya nya, nagiging responsable sa komunidad n’ya, ‘yun ang isang pagiging mabuting mamamayan. At hindi ka makakapamuhay sa mundong ito ng para sa sarili lamang. Kailangan mo makipag-kapwa tao, kailangan mo makiisa, kailangan mo tumugon at kailangan mo umaksyon. So be responsible," aniya.

Tiniyak din ng alkalde na patuloy niyang gagawing mas accessible ang pagbabakuna at pagkuha ng mga booster shot para sa mga residente at hindi residente ng lungsod.

"We try to make the vaccine whether first dose, second dose, or booster available kung paano magiging convenient sa tao. May health center, sa eskwelahan, sa malls, sa ospital, sa drive-thru. So, nag-iisip pa kami ng ibang paraan paano mailapit sa tao ‘yung access to vaccines," aniya.

Ang lungsod ng Maynila ay nakapagtala ng 4,102 na aktibong kaso na mayroong 92,995 recoveries, at 1,792 deaths nitong Biyernes, Enero 14.

Jaleen Ramos