CEBU CITY – Pinawi ng alkalde ng lungsod ang pangamba na magpapatupad ng lockdown matapos isailalim sa Alert Level 3 ang lungsod mula Enero 24-31.

Sinabi ni Mayor Michael Rama na hindi na kayang magpatupad ng lockdown ang lungsod lalo na't sinusubukan pa nitong makabangon mula sa pananalasa ng Bagyong Odette noong nakaraang buwan.

Inamin ni Rama na ang pagpapataw ng lockdown ay tututulan hindi lamang ng karamihan ng mga Cebuano kundi lalo na ng sektor ng negosyo.

“We cannot, we cannot. No lockdown,” pagtitiyak ni Rama.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa halip na mag-lockdown, ang gagawin ng lungsod ay mahigpit na ipatupad ang mga alituntunin para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, ani Rama.

Pinayuhan ni Rama ang publiko na manatili sa bahay kung kinakailangan at dapat lumabas lamang para sa mga mahahalagang layunin.

Partikular na pinaalalahanan ng alkalde ang mga hindi pa nabakunahan na umiwas sa labas para maprotektahan ang sarili sa virus.

Sinabi ni Konsehal Joel Garganera, hepe ng Emergency Operations Center ng lungsod, na kahit nasa Alert Level 3 ang lungsod, walang pagbabago sa patakaran para sa mga papasok na manlalakbay.

Sinabi ni Garganera na ang mga bakunadong indibidwal na gustong bumiyahe sa Cebu City ay kailangan lamang magpakita ng kanilang vaccination card.

Ang mga hindi nabakunahan na biyahero ay kailangang magpakita ng negatibong resulta ng RT-PCR test na kinuha 72 oras bago ang biyahe.

Ang negatibong resulta ng antigen test na kinuha 24 na oras bago ang biyahe ay hihingin din sa sa mga 'di bakunadong indibidwal, sabi ni Garganera.

Matapos simulan ang taon na may siyam lamang na aktibong kaso, ang lungsod ay humaharap sa agresibong pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19.

Batay sa bulletin ng Department of Health-Central Visayas, nakapagtala ang lungsod ng 359 na bagong impeksyon noong Enero 13 na nagtaas sa aktibong kaso nito sa 1,364.

Calvin Cordova