Inilunsad ng San Juan City government ang kanilang ‘Sumbungan ng Bayan Hotlines’ upang mabilis na mai-report ang mga business establishments at mga indibidwal na hindi sumusunod na ipinaiiral na mobility restrictions ng mga hindi pa bakunadong indibidwal sa lungsod.

PHOTO: Mayor Francis Zamora/FB

Matatandaang una nang ipinagbawal sa pamahalaang lungsod ang paglabas ng tahanan ng mga hindi bakunadong indibidwal alinsunod sa City Ordinance No. 1, series of 2022, ngayong nasa Alert Level 3 ang Metro Manila dahil sa pagdami ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, maaaring tawagan ng publiko ang Sumbungan ng Bayan Hotlines na 0956-5297286 (Globe) at 0961-6805514 (Smart) upang isumbong ang alinmang business establishments at sinumang mga indibidwal na hindi sumusunod sa naturang mobility restrictions.

Paalala pa ng alkalde, ang mga bakunadong indibidwal lamang ang maaaring lumabas ng kanilang tahanan maliban na lamang kung ang layunin nang paglabas ng mga di bakunado ay para sa essential goods at services gaya ng pagbili ng pagkain o gamot o pagpunta sa doktor.

“Muli pong ipinapaalala sa mga business establishment owners ang mahigpit na pagpapatupad ng ‘No Vaccination Card, No Entry’ policy,” ayon naman sa isang public advisory ng San Juan City government, na ibinahagi ni Zamora sa kanyang social media accounts.

Ang makapagpapakita lamang anila ng official o valid vaccination card ang maaaring papasukin sa mga establisimyento, maliban lamang kung ang mga ito ay may bibilhin o kakailanganing essential goods o services katulad ng pagkain, gamot, medical at dental services.

Binalaan rin naman ng alkalde ang mga lalabag sa ordinansa na mahaharap sa karampatang parusa.

“Ang lahat po ng mga San Juaneño ay hinihikayat na maging kabahagi ng ating programa laban sa COVID-19. Kung kayo po ay makaranas, makasaksi o makakita ng anuman o sinumang lalabag sa mga protocol tungkol sa mobility restrictions ng mga unvaccinated individuals, maaari po kayong tumawag o mag-text sa mga hotline numbers na nabanggit upang ipagbigay-alam ang mga detalye o anumang paglabag,” paabiso pa ng lokal na pamahalaan.

“Para po ito sa kaligtasan ng bawat isa lalo na ng mga hindi pa bakunado dahil po sa napakataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19 ngayon sa Metro Manila at buong Pilipinas,” dagdag pa ni Zamora.

Mary Ann Santiago