Iniulat ng Department of Health (DOH) na umaabot na ngayon sa mahigit 102,000 ang mga aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa matapos na makapagtala pa ng 26,458 bagong kaso ng impeksiyon nitong Sabado, Enero 8, 2022.

Batay sa case bulletin #665 na inisyu ng DOH, nabatid na umaabot na ngayon sa 2,936,875 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.

Sa naturang bilang, 3.5% pa o 102,017 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.

Sa mga aktibong kaso, 94,007 ang mild cases; 3,399 ang asymptomatic; 2,842 ang moderate cases; 1,462 ang severe cases; at 307 ang kritikal.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nakapagtala rin naman ang DOH ng 1,656 bagong gumaling sa sakit, sanhi upang umabot na sa 2,782,723 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 94.8% ng total cases.

Nasa 265 naman ang iniulat na namatay sa karamdaman nitong Sabado, ngunit 15 lamang sa mga ito ang binawian ng buhay nitong Enero 2022 habang ang iba pa ay namatay naman noon pang nakaraang taon.

Sa ngayon, ang Pilipinas ay nakapagtala na ng 52,135 total COVID-19 deaths o 1.78% ng total cases.

Mary Ann Santiago