Naglabas ng libro ang dating Build, Build, Build committee chair na si Anna Mae Yu Lamentillo tungkol sa infrastructure accomplishment ng Duterte Administration sa nakalipas na limang taon.

Pinamagatang “Night Owl”, na isinulat ni Lamentillo, ini-edit ni Manila Bulletin Lifestyle editor, Arnel Patawaran, at inilathala ng Manila Bulletin Publishing Corporation, isinasalaysay ng aklat ang paglalakbay ng bansa tungo sa pagpapabuti ng buhay at masaganang oportunidad na dulot ng napakalaking programang imprastraktura ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Mga Pagdiriwang

Ang mayamang tradisyong tatak ng 'Paskong Pinoy'

“Ang librong ito ay aking pagpupugay sa lahat ng bumuo at nagplano sa tinaguriang Golden Age of Infrastructure ng Pilipinas. Ito ay para sa lahat ng 6.5 milyong manggagawang Pilipino na nagsagawa ng mga proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build. Ito ang kanilang kwento, at ang ating kuwento bilang isang bansa—ang mga hamon na ating napagtagumpayan para maiugnay hindi lamang ang mga komunidad, kundi ang ating mga isla, at ang Luzon, Visayas, Mindanao,” saad ni Lamentillo.

Paliwanag niya, ang Night Owl ay isang progress report sa “Build, Build, Build” program ng Duterte Administration, partikular na ang: 29,264 kilometro ng mga kalsada, 5,950 na mga tulay, 11,340 na mga flood mitigation structure, 222 na mga evacuation center, 150,149 na mga classroom, 214 na mga airport project, at 451 na mga seaport project na naipagawa sa nakaraang limang taon.

Bilang dating chair ng Build, Build, Build committee sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), inilahad din ni Lamentillo sa libro kung paanong ang DPWH, sa ilalim ng pamumuno ng noo’y Secretary Mark A. Villar, ay nakahanap ng mga solusyon sa mga matatagal nang problema ng ahensiya, tulad ng right-of-way, mga ghost project, at mga hindi makamit na deadline ng mga proyekto.

Ibinahagi rin niya ang kaniyang mga karanasan—kung paanong hiniling din niya na magkaroon ng maayos na kalsada sa Pilipinas, hanggang sa siya mismo ang nakasaksi sa napakalaking pagbabago sa network ng imprastraktura ng bansa na naka-angkla sa isang plano sa imprastraktura na naaayon sa Master Plan on ASEAN Connectivity.

Inilalahad din sa libro kung paano ang mga natapos na proyekto ay humantong sa mas maginhawang buhay, sa pamamagitan ng mas mahusay na pag-access sa mga mahahalagang serbisyo at pagkakataon para sa kabuhayan, at pinahusay na daloy ng trapiko, at pati na rin kung paanong ang mga kasalukuyang proyekto ay magpapaunlad sa mga mamamayan, sa ating mga komunidad, at sa ekonomiya.

“Pinangarap ko lang noon na magkaroon ng maayos na infrastructure network ang Pilipinas. Hindi ko inakala na magiging parte ako mismo ng malaking programang ito na nagdulot ng malaking pagbabago sa ating bansa at sa buhay ng mga Pilipino. Dahil dito, naniniwala akong dapat na maging permanente ang ‘Build, Build, Build’. Sa pamamagitan ng Night Owl, hangad ko na maging mithiin din ito ng bawat Pilipino. Ang librong ito ay patunay na kaya nating makasama sa trillion-dollar club kung patuloy ang mga katulad na programa,” sabi ni Lamentillo.

Tampok din sa libro ang mga profile ng mga pinuno ng ahensya na parte ng “Build, Build, Build”, at kasama din ang mga paunang salita mula kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Executive Secretary Salvador C. Medialdea, at Secretary Villar.