Nagsagawa ng random inspection ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga quarantine hotel sa Metro Manila nitong Miyerkules, Enero 5.
Layunin nitong matiyak na naipatutupad ang quarantine protocols at paghihigpit upang mapigilan ang pagtaas ng bilang ng mga nahahawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Inutos ni NCRPO chief Maj. General Vicente Danao Jr. ang mas mahigpit na hakbang alinsunod sa direktiba ni Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año kasunod na rin ng insidente ng pagtakas ng isang babae sa isang hotel sa Makati kung saan ito naka-quarantine matapos manggaling sa Amerika noong Disyembre 22 ng nakaraang taon.
Si Gwyneth Anne Chua ay tumakas sa Berjaya Makati Hotel sa Brgy. Poblacion ilang minuto matapos itong mag-check in upang makipag-party sa kalapit na bar.
Nitong Disyembre 26, sumailalim sa RT-PCR (Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction) test at kinabukasan ay natuklasang positibo ito sa COVID-19.
Nahawaan din nito ang ilang dumalo sa party at bar staff.
Kinasuhan na ng pamahalaan si Chua, mga magulang nito at ang kanyang boyfriend.
Bella Gamotea