Ipinag-utos ng Archdiocese of Manila ang pagsasagawa ng second collection bilang pakikiisa at pagtulong sa mga biktima ng bagyong Odette.

Sa liham sirkular ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, inaatasan nito ang lahat ng mga Kura Paroko, Rector at Chaplain na magsagawa ng second collection sa lahat ng Misa para sa ikaapat na Linggo ng Adbiyento.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Nagsimula na ito sa mga idinaos na anticipated mass kagabi, Disyembre 18, at ngayong araw ng Linggo, Disyembre 19.

Ang lahat ng donasyong makokolekta sa second collection ay ipinasusumite sa Accounting Office ng Arzobisado De Manila hanggang sa Disyembre 22, 2021.

“As we pray for the victims of Typhoon Odette hitting several Arch/Dioceses of the Visayas and Mindanao, we will also help in the alleviation of their pains,” bahagi pa ng circular letter ng Cardinal.

Kasabay nito, tiniyak ni Advincula ang pag-aalay ng panalangin para sa patuloy na kaligtasan ng mga biktima ng bagyo, lalo na ngayong naghahanda ang lahat para sa pagdating ng Panginoong Hesus.

Nauna nang naglaan ng P2.5 milyong pondo ang Caritas Manila bilang paunang tulong sa mga lalawigang labis na napinsala ng bagyong Odette.

Inaanyayahan naman ng pamunuan ng Radio Veritas at Caritas Manila ang mamamayan na makiisa sa isasagawang “telethon” para sa mga nasalanta ng bagyo.

Live na mapapakinggan sa Radio Veritas 846AM, Sky Cable, DZRV.ph ang telethon simula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi bukas, Lunes, Disyembre 20.

Ang malilikom na pondo sa telethon ay ipapadala ng Caritas Manila sa mga apektado ng bagyo upang sila ay makabangon sa dinanas na sakuna.

Mary Ann Santiago